Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na maging responsable sa paggawa at pagbabahagi ng artificial intelligence (AI)-generated images na nagpapakita ng sibilyang nakasuot ng police uniform.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na kinikilala ng kapulisan ang potensyal ng AI, ngunit hinimok ang publiko na maging transparent kung digitally generated o altered ang isang larawan o video.
Hindi naman aniya layunin ng paalala na pigilan ang paggamit ng AI, kundi isulong ang responsable nitong paggamit.
“AI is a useful tool, pero kailangan pa rin nating maging maingat sa kung ano ang ipinapakita at ipinapakalat natin online. Kapag police uniform ang gamit sa isang generated image, dapat malinaw na hindi ito tunay na police personnel. Simple lang ang punto—enjoy the technology, but do it responsibly,” ani Nartatez.
Binigyang-diin din ni Nartatez na hindi lamang simpleng kasuotan ang police uniform dahil kumakatawan ito sa tungkulin at tiwala ng publiko sa mga pulis.
Nagbabala rin ang PNP na maaaring magkaroon ng legal na implikasyon ang hindi awtorisadong paggamit ng police uniform o insignia, kabilang sa AI-generated content, sa ilalim ng Article 179 ng Revised Penal Code o Illegal Use of Uniforms or Insignia, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.
“While the use of emerging AI technology may involve different circumstances, failing to clearly label or disclose that an image is AI-generated may expose a person to possible liability, depending on how the content is created, presented, and used,” pahayag ng PNP. (AC)


