Pinag-aaralan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang panibagong salary increase sa mahigit isang milyong empleyado ng gobyerno.
Ito ang kinumpirma ni DBM Secretary Kim Robert de Leon sa interpelasyon ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio sa pagsisimula ng pagdinig ng House committee on appropriation sa 2027 National Expenditure Program (NEP) na nagkakahalaga ng P7.2 trillion.
“Matindi ang crisis ngayon at para sa mga, lalo na mga empleyado sa civilian para sa kanila sa kapos ang salary increase kahit inimplement ang third tranche and then next year fourth tranche. Kung DBM ang tatanong, and fourth tranche na next year, kailan ang susunod na round ng salary increase na maasahan?,” ayon pa kay Tinio.
Ayon kay De Leon, meron aniyang ikokomisyon ang kanyang ahensya para pag-aralan ang panibagong Salary Standardization Law na posibleng ipatupad sa 2028 kahit sa Enero 1, 2027 ipapatupad ang huling tranche ng SSL VI.
“Meron po tayong Iko-commission na ongoing na pag-aaral kahit po meron pa tayong fourth tranche na inaasaang implement by 2027, particular na nga o precisely because of the point of the Honorable Tinio upang malaman po natin ang magiging susunod na schedule,” ani De Leon.
“So dito po natin sa pag-aaral po malalaman Madam Chair, your honor, kung ano po yung magiging timing, amount of increase if any, pagkatapos po ng ating gagawin na compensation study,” dagdag pa ni De Leon.
Unang ipinatupad ang SSL VI noong Enero 1, 2024 at ang huling bahagi ng salary increase na ito sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa Enero 2027.
Pinag-aaralan din aniya ng DBM ang pagtataas sa PERA o Personnel Economic Relief Allowance na P2,000 lamang kada buwan sa bawat empleyado ng gobyerno. (Bernard Taguinod)


