WebClick Tracer

Negros Power sumusunod sa allowable system loss cap – ERC

Nilinaw ng Energy Regulatory Commission (ERC) na sumusunod sa itinakdang allowable system loss cap ang Negros Electric and Power Corp. (Negros Power) matapos itong maling matukoy bilang noncompliant sa cap para sa mga private distribution utilities.

Sa isang pahayag, kinilala ng ERC na 2024 lamang nabigyan ng prangkisa ang Negros Power matapos nitong kunin ang distribution system na dating pagmamay-ari at pinamamahalaan ng isang rural electric cooperative na may applicable cap na 8.5% para sa system losses.

Alinsunod ito sa legislative franchise ng Negros Power sa ilalim ng Republic Act No. 12011, na nagtakda ng limang taong transition period bago nito kailangang maabot ang 5.5% system loss cap para sa private utilities.

“Against this interim cap, NEPC’s reported 2025 feeder loss of 7.5% is within, not in excess of, its applicable cap,” pahayag ng ERC.

Kasunod ito ng presentasyon ng komisyon sa pagdinig ng Senate Committee on Energy noong nakaraang linggo, kung saan isinama ang Negros Power sa distribution utilities na lumampas umano sa kanilang cap noong 2025, na may feeder loss na 7.5%.

Ang pagdinig ay kaugnay ng panukalang alisin ang system loss charge sa buwanang electric bills, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address.

Ang system loss ay kuryenteng nalilikha ngunit nawawala bago makarating sa mga consumer, na kasalukuyang binabawi sa pamamagitan ng singil sa mga bill sa kuryente.

Itinakda ng ERC ang 5.5% allowable cap para sa private distribution utilities, habang nasa 8.25% hanggang 12% naman ang cap para sa rural electric cooperatives.