Binasag na ng talent manager na si Shirley Kuan ang kanyang katahimikan tungkol sa kanyang pagkalas bilang manager ng aktres na si Bea Alonzo.
Kinumpirma ni Kuan ang iskup ni Abante Entertainment Editor Jun Lalin na hindi na siya ang nagma-manage ng career ngayon ng aktres.
Sa pakikipag-usap niya sa select members ng showbiz press kabilang na si Lalin ngayong Lunes, August 24, itinanggi niyang pinayuhan niya si Bea na kanselahin ang kasal nito kay Vincent Co.
“Meron akong resibo, kung gusto niyong malaman, I can prove na hindi ako kasali diyan,” wika niya.
May tatlong insidente naman daw na nangyari na humantong sa kanyang desisyon na magbitiw na bilang manager ni Bea.
“I confronted her about those two things… over the phone na lang kasi nagmamadali na ko, I couldn’t wait to do a face to face because I was already ready to leave,” aniya.
Ang ikatlo raw na nakapagpa-trigger sa kanya na magbitiw ay may kaugnayan sa isang event.
Ani Kuan, personal niyang siniguro ang naturang event nang hindi inaasahang ipaalam sa kanya na hindi na siya invited dito.
“I closed this event deal, I was talking to the client and preparing this event. I was told by the client that I’m disinvited, and I already know what happened even when the client didn’t want to tell me. I already knew who it is,” saad niya.
Hindi raw siya nagalit pero nasaktan siya sa nangyari.
“Hindi ako galit, but I’ll be a hypocrite if I tell you I’m not offended because this was never done to me. Wala naman akong kasalanan, what have I done?” aniya.
Isiniwalat pa niyang ipinaalam niya agad kay Bea ang kanyang desisyon na mag-resign.
“I told Bea, that’s the last straw. After I told her that, and she said, ‘I didn’t know about that.’ Okay, now I’m telling you. And this very moment… as of this very day, I’m no longer your manager. That’s what I told her,” pag-alala ni Kuan.
Aniya, naganap ang pag-uusap nila ni Bea noong August 11, isang araw matapos niyang malaman na hindi na siya invited sa nasabing event.
Wala raw sanang balak si Kuan na ipaalam pa sa publiko ang kanyang resignation bilang paggalang sa pangako niya kay Bea ngunit wala raw siyang choice kundi ipagtanggol ang kanyang sarili dahil hindi naman daw siya ipinagtanggol ng aktres.
“I promised her I’m not gonna make any announcement about the resignation but I said, one more, tirahin pa ako isa, you are giving me no choice but to defend myself because enough is enough,” sabi niya. (IS)


