WebClick Tracer

15 proyekto sa Naga natukoy na substandard at defective, P3M nasalba

Labinlimang proyekto ng Naga City government ang natukoy na substandard at defective matapos inspeksiyunin ang kabuuang 65 proyekto sa unang taon ng administrasyon ni Mayor Leni Robredo.

Sa kanyang unang State of the City Address nitong Agosto 18, sinabi ni Robredo na 12 sa 15 proyektong na-flag ang naayos na ng kani-kanilang contractors.

Dahil dito, nakatipid ang lungsod ng mahigit P3 milyon, ayon pa sa alkalde.

“Of 65 projects inspected, 15 were flagged for being substandard and defective. As of date, 12 of them were already rectified by their respective contractors, resulting in over 3 million pesos of savings for the city,” pahayag niya.

Bahagi ito ng mga hakbang ng bagong administrasyon upang higpitan ang monitoring sa mga proyekto at tiyaking maayos ang paggamit ng pondo ng lungsod.

Dagdag pa ni Robredo, pinalakas ng city government ang kanilang internal audit service at muling binuo ang project monitoring committee.

Pinalawak din ang membership nito upang maisama ang mga kinatawan mula sa Naga City People’s Council, barangay at mga professional organization ng engineers at architects.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon, sinabi rin ni Robredo na mahigpit nilang ipatutupad ang zero tolerance policy laban sa korapsiyon.

Ilang oras matapos niyang manumpa bilang alkalde, nilagdaan niya ang Executive Order No. 1, na naglalayong labanan ang mga gawain tulad ng inflated project costs, bribery, kickbacks at conflict of interest sa mga proyekto at procurement ng lungsod.

Binigyang-diin ni Robredo na mahalagang itaas ang standards ng pamahalaang lungsod upang makamit ang kanyang mga target para sa Naga hanggang 2028.

Kasabay nito, sinabi niyang minana ng kanyang administrasyon ang matagal nang problema ng lungsod tulad ng baha, trapiko at mga social problem gaya ng ilegal na droga.

Para kay Robredo, hindi sapat ang simpleng pagtugon sa problema kapag lumala na ito. Aniya, kailangang maging mas proactive ang city government upang maagapan ang mga hamon bago pa maging krisis.

Sa unang taon ng kanyang panunungkulan, iginiit ni Robredo na kabilang sa kanilang prayoridad ang pagtataguyod ng tapat, episyente at mas responsableng pamamahala para sa mga taga-Naga. (IS)