Isang misis umano ang nahuli matapos na mag-ring ang cellphone na tinangka nitong ipasok sa loob ng kulungan.
Ito ang ikinuwento ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Catapang Jr. sa briefing ng House Committee on Appropriations nitong Lunes sa pagtatanong ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima kaugnay ng mga inmate na nasa kustodiya ng BuCor.
Sinabi ni Catapang na may progreso sa kalagayan ng mga inmate sa New Bilibid Prison (NBP), at marami na sa mga ito ang nailipat sa iba pang correctional facility.
“Drastically nabawasan na natin yung pagpasok ng mga drugs. May mga nangyayari po: yung bibisitang misis, may dala-dalang drugs, nilalagay sa private parts, at meron nga pong kwento sa akin yung mga guwardiya; nagbibiro, nahuli daw nila kasi yung cellphone nag-ring,” sabi ni Catapang.
“And then nakuha doon sa private part nya may cellphone, may adaptor, meron pang drugs. So napakaliit na babae,” dagdag pa nito.
Tila hindi naman makapaniwala si De Lima sa kanyang narinig at napatanong ng, “Paano po yun?”
“Opo totoo po. Merong nangyaring ganun,” sabi ng BuCor chief.
“Kaya talaga po, pag ayaw nilang magpa-inspeksyon, hindi na puwedeng mag-conjugal visit kung ayaw magpa-inspect yung misis,” dagdag pa ni Catapang. (Billy Begas)


