WebClick Tracer

Shirley Kuan itinangging may kinalaman siya sa pagkakansela ng kasal ni Bea Alonzo sa Spain

Itinanggi ng dating talent manager ni Bea Alonzo na si Shirley Kuan na siya ang dahilan ng pagkakansela ng planong kasal ng aktres sa Spain.

Sa pakikipag-usap niya sa select members ng showbiz press kabilang na si Abante Entertainment Editor Jun Lalin ngayong Lunes, August 24, itinanggi ni Kuan na pinakansela niya o pinayuhan niya si Bea na kanselahin ang kasal nito kay Vincent Co.

Ayon kay Kuan, nanahimik siya noong una dahil hiniling mismo ni Bea na huwag na niyang palakihin ang isyu.

Matapos lumabas ang ulat na tinutukoy siya bilang umano’y dahilan o “culprit” sa pagkakansela ng kasal, agad daw niyang tinawagan si Bea.

Aniya, agad daw na nakiusap sa kanya si Bea na huwag na siyang magsalita upang hindi na lumaki ang usapin.

“Siyempre pagbibigyan mo ‘yung alaga ko, heartbroken at that time. You try to accommodate her wishes kasi ayaw niya sigurong lumaki na. So, talagang I kept quiet. But, ayaw tumigil. Dahil hindi ako sumasagot, lalo akong tinitira, and patindi na nang patindi,” saad ng dating manager.

“Because I promised her, I kept quiet. In other words, she did not allow me to defend myself,” saad pa ni Kuan.

Samantala, hindi rin daw niya maintindihan kung bakit siya pa rin ang pinalabas na “kontrabida” kahit natuloy na ang kasal nina Bea at Vincent Co.

Ani Kuan, lumabas daw ang komento na finally natuloy na ang kasal dahil hindi na raw siya nakialam.

“Parang ginawa pa rin akong kontrabida. Hindi ko na lang sinagot din,” pahayag niya.

“Meron akong resibo… I can prove na hindi ako kasali diyan,” ani Kuan, habang hinamon din niya ang mga nagbibintang sa kanya na maglabas ng kanilang ebidensiya.

“‘Yung mga nagpapalabas na kasalana ko, ako ‘yung nagpa-cancel, maglabas sila ng resibo kasi ako kaya kong maglabas,” aniya.

Nagsimula ang usapin matapos lumabas ang ulat na may isang tao na mula raw sa kampo ni Bea na umano’y nakialam sa plano nilang kasal sa Spain.

Sa huli, natuloy rin naman ang kasal nina Bea at Vincent noong Hulyo 13 sa isang civil wedding ceremony sa Makati City Hall. (IS)