Nanawagan si Senate Senior Deputy Majority Leader JV Ejercito na huwag gawing tila “theme park” ang Pinaglabanan Shrine sa San Juan o aniya’y basta-bastang pagsasama-sama ng mga monumento ng mga bayani.
Sa kanyang privilege speech sa Senado para sa Araw ng Pinaglabanan at National Heroes Day, muling kinuwestiyon ni Ejercito ang paglilipat sa loob ng shrine ng mga bantayog nina Gat. Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Dr. Jose Rizal mula sa kanilang dating mga kinalalagyan.
“Ang Pinaglabanan Shrine ay hindi isang theme park kung saan basta-basta na lamang pagsasama-samahin ang iba’t ibang monumento dahil magkakalapit ang kanilang tema,” ani Ejercito.
Ayon sa senador, isinagawa ang paglilipat sa bisa ng mga ordinansa ng lungsod noong 2021. Ipinaliwanag umano ng Pamahalaang Panlungsod ng San Juan na layunin nito na mabigyan ng mas nararapat na paggalang ang mga bayani at matugunan ang usapin sa kaligtasan sa kanilang dating mga lokasyon.
“Ang mga monumento ay landmarks. Palatandaan sila ng isang mahalagang kaganapan, bahagi ng identity ng isang komunidad, at tulay ng kasalukuyan sa nakaraan.”
“Kapag pinakialaman natin ang isang landmark, hindi lamang bato o metal ang ating ginagalaw. Ginagalaw natin ang collective memory ng isang lugar.”
Iginiit ni Ejercito na hindi siya tutol sa mga hakabang para sa kaligtasan, ngunit dapat tiyakin na dumaan sa sapat na pag-aaral at konsultasyon ang anumang paglilipat ng mga makasaysayang bantayog, kabilang ang heritage impact assessment, conservation plan, at pakikipag-ugnayan sa mga historyador, heritage expert, komunidad at iba pang sektor.
Kung may panganib sa trapiko, maaari aniyang pag-aralan ang road redesign, barriers, lighting at iba pang solusyong pangkaligtasan.
“Hindi dapat pagbanggain ang kasaysayan at kapakanan,” ani Ejercito.
Iginiit din niya na hindi pag-aari ng sinumang politiko ang mga bantayog dahil ang mga ito ay pag-aari at pinondohan ng mamamayan.
Kabilang sa mga hakbang niya noong 2002, bilang alkalde ng San Juan ang pagpapatayo ng mga bantayog nina Bonifacio at Jacinto, at pagtatatag ng Museo ng Katipunan noong 2004, katuwang ang noo’y National Historical Institute.
Aniya, sinadya ang paglalagay ng mga ito sa mga lugar na makikita araw-araw ng mga taga-San Juan lalo na ng mga estudyante, manggagawa, at mga motoristang dadaan sa lungsod.
“Ang layunin ay paalalahanan ang lahat na may mga nagbuwis ng buhay para sa tinatamasa nating Kalayaan ngayon—na matuto nawa tayong pakaingatan ito at maging handa na ipaglaban ito sa magtatangka na ipagkait itong muli.”
Noong 2025, naging batas ang Republic Act No. 12250 na nagtatakda sa Agosto 30 bilang Araw ng Pinaglabanan sa San Juan. (Dindo Matining)


