Malapit na umanong matapos ang House prosecution panel sa presentasyon ng mga ebidensiya sa ilalim ng Article 1 ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ito ang sinabi ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua matapos iharap ng prosecution panel sina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio sa Senate impeachment court nitong Martes.
Sinabi ng dalawa na nag-isyu sila ng mga certification sa Department of Education (DepEd) para sa paglahok nito sa Youth Leadership Summit (YLS). Itinanggi nilang nakatanggap sila ng anumang pondo mula sa DepEd para sa pagsasagawa ng mga youth event.
Ang mga certification ay ginamit ng DepEd sa liquidation ng confidential funds at isinumite sa Commission on Audit.
Ayon kay Chua, natalakay na ng prosecution ang mga pangunahing punto na may kaugnayan sa YLS at mga military certification.
“Masasabi natin, baka by next week ay matapos na, hopefully, ang confidential funds, and we will move on to the next article,” sabi ni Chua sa isang press conference nitong Martes.
Sinabi ni Chua na hindi na ihaharap ang dalawa pang military officer dahil uulitin lamang ng mga ito ang mga puntong nailahad na sa Senate impeachment court.
“Iisa lang naman iyong sasabihin nila,” sabi ng solon. “To shorten—ayaw naman natin ng protracted hearing. Gusto natin matapos na rin ito.”
Sa Miyerkules, Setyembre 2, ihaharap ng prosecution si dating DepEd Undersecretary at Chief of Staff Michael Wesley Poa at isang kinatawan mula sa Philippine Statistics Authority.
Pagkatapos nila, sinabi ni Chua, “Ang natitira na lamang si Mr. Edward Fajarda, and probably isa—or at most, dalawa.”
Si Fajarda ang dating special disbursing officer ng DepEd na nag-encash ng confidential funds.
“The decision will be finalized by tomorrow, after ng presentation kay Atty. Poa at sa PSA,” dagdag ni Chua. “Bukas, i-announce na namin kung sino ang aming magiging testigo next week,” dagdag niya.
Natapos na ng prosecution ang paglalahad ng ebidensya sa ilalim ng Article IV, na inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, high crimes, at betrayal of public trust dahil sa umano’y pakikipag-usap niya sa isang tao tungkol sa pagpatay kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.
Kasalukuyang naglalatag ng ebidensya ang prosecution panel sa ilalim ng Article I, na inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y misuse at mga iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.
Ang natitirang mga artikulo ay ang Article II, na inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa umano’y pag-iipon ng yaman na hayagang hindi naaayon sa kanyang legal na kita at earnings habang nagsisilbi bilang isang public official; at Article III, na inaakusahan ang Vice President ng bribery, graft and corruption, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust dahil sa umano’y pagbibigay ng monetary gifts o bayad sa mga opisyal ng DepEd upang hikayatin silang labagin o iwasan ang procurement at iba pang kaugnay na batas. (Billy Begas)


