WebClick Tracer

House leaders nagbigay tribute sa 65th birthday ni Speaker Dy

Nagpaabot ng pagbati at pagpupugay ang mga lider ng Kamara kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pagdiriwang ng kanyang ika-65 kaarawan nitong Martes, Setyembre 1.

Pinuri ng mga lider ng House of Representatives ang umano’y matatag, inklusibo at result-oriented na pamumuno ni Dy, partikular sa pagsusulong ng mga reporma at sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa mababang kapulungan.

Isinagawa ang isang sorpresang birthday activity na inorganisa ng mga opisyal at kawani ng Kamara para sa Speaker.

Sa mensahe ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez, sinabi niyang matagal na niyang pinaniniwalaan ang sinseridad, determinasyon at commitment ni Dy na magpatupad ng makabuluhang pagbabago sa Kongreso.

Binigyang-diin din niya na hindi umano naghahanap ng atensiyon si Dy at mas pinipiling hayaang ang mga resulta ng kanyang trabaho ang magsalita para sa kanyang pamumuno.

Nagpasalamat din si Hernandez kay Dy sa tiwala at pagkakaibigang nabuo nila sa loob ng Kongreso.

Ipinahayag niya ang kanyang pagmamalaki na matawag si Dy bilang kanyang Speaker, boss, mentor at higit sa lahat, kaibigan.

Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si House Majority Leader Sandro Marcos ng Ilocos Norte kay Dy para sa kanyang pamumuno at sa pagtulong umano sa kanya upang magampanan nang maayos ang kanyang mga responsibilidad sa Kamara. (IS)