WebClick Tracer

Babaeng nagbalot ng ‘piso kada parcel’ ni Rosmar Tan naglabas ng sama ng loob; P288 nakuhang sahod

Nahaharap sa bagong kontrobersiya ang businesswoman na si Rosmar Tan Pamulaklakin matapos magreklamo ang isang babae sa maliit na kinikita niya sa pagbabalot ng parcel.

Isang nagngangalang Erica Padilla II ang nagpost sa kanyang FB na tinag ang isang Nica Marcaida, at ikinuwento ang naging karanasan nila matapos silang magtrabaho sa pagbabalot ng parcel na paga-ari ni Rosmar, sa Tagaytay.

Sa kuwento nito, hindi sila nakapagsimula ng trabaho dahil wala pa ang gamit para sa gagawin nila.

Umakyat sila sa taas para maggupit ng bubble wrapper na wala naman raw bayad.

Nang magsimula silang gawin ang trabaho kulang-kulang ang mga gamit at nahati pa sila sa grupo.

“Inisip namen kung mag 24hours kami don makakadami den kami ng kita! Kahit nawawalan na kame ng pag-asa kasi yung mga kasama namin nagsiuwian na at ang perang naiuwi nila is 59-200+”

Mula sa paggupit ng bubble wrap hanggang sa kulang-kulang na gamit sa pagbabalot tiniis raw ng nasabing nagrereklamo.

Pero ang hindi na raw nila kaya ay ang pinauuwi sila ng 2am at hindi sila pinayagang manatili hanggang 5am at hindi delikado para sa kanila na maglakad dahil puro sila mga babae.

“And worst 288 (pesos) lang ang pinaghatian namen. Hindi nyo puwede isisi sa sa kilos namen ang kinita namin kase kayo ang may problema sa mga gamit”

“Tiniis namen lahat yan pero sana nagkaroon man lamang kayo ng kunsiderasyon na dagdagan yung pinasahod nyo sa amin dahil kayo ang may kasalanan. Tagaytay to Santa Rosa tapos 288 sahod seryoso ba kayo!!!”

Lumalabas na bigo raw na mahabol ng nagrereklamo ang ginastos nilang 300 na pamasahe, gayong 288 pesos lang ang kinita nila na pinaghatian pa.

Nasalang na sa kontrobersiya si Rosmar matapos nitong mag post sa FB na nag-aalok ng trabaho, piso kada mababalot na parcel sa delivery station o office nito sa Tagaytay.

Binatikos si Rosmar dahil dito. Pero ipinaliwanag ng negosyante na ito ay para sa mga nagnanais kumita kahit paano.

Samantala nagbigay na ng reaksyon si rosmar tan kaugnay sa isyu at sinabi nitong ginagawa na ng kanyang legal counsel ang demand letter kasabay ito ng pagtanggi niya sa kuwento ng ni ERICA PADILLA II.

Hati naman ang reaksyon ng iba gaya ng pag-uudyok na magsampa ng kaso sa kinauukulan o ipa-Tulfo ang kanilang karanasan.

May iba namang sinisisi ang nagrereklamo dahil alam na nitong piso bawat parcel ang kikitain nila, pero namasukan pa rin ito. (Rey Pumaloy)