WebClick Tracer

Robotic surgery malaking tulong sa pag-opera ng uterine cancer, myoma

Mas pinadadali na ng makabagong robotic surgery ang ilang komplikadong operasyon sa gynecology o reproductive system ng kababaihan kabilang ang uterine cancer at deep infiltrating endometriosis.

Sa panayam ng “On Point” ng Bilyonaryo News Channel, ipinaliwanag ni Dr. Maria Josefina “Ado” Morales ng St. Luke’s Medical Center na nagbibigay ang robotic technology ng mas mahusay na access sa mga bahaging mahirap abutin gamit ang conventional surgical techniques.

Ayon kay Dr. Morales, maaaring gamitin ang robotic surgery sa ilang uri ng malignancies gaya ng uterine cancer, kabilang ang pagsasagawa ng lymph node dissection.

Maaari rin umano itong gamitin sa cervical cerclage, isang treatment na maaaring gawin sa ilang pasyenteng nakararanas ng paulit-ulit na pregnancy loss.

Isa rin sa mga benepisyo ng robotic surgery ay ang paggamit nito sa mga kaso ng deep infiltrating endometriosis.

Ayon kay Dr. Morales, nakakatulong ang robot upang ma-access ang mga lugar sa pelvis na mahirap abutin, kaya mas madaling maalis ang mga endometriosis lesion.

“This is again an advantage because we’re able to excise all the lesions there,” ani Dr. Morales kay host Pinky Webb.

Maaari rin umanong maging kapaki-pakinabang ang robotic surgery sa mga pasyenteng may multiple myomas, partikular sa pagsasara ng mga layer ng matris matapos alisin ang mga bukol.

Ani Morales, mahirap kasi ang pagbabalik at pagsasara ng mga uterine layer gamit ang laparoscopy.

Pero sa robotic surgery, nagagawang maisara nang mas maingat at metikuloso ang mga layer ng matris.

“You can really move like the human hands. So you’re able to close the uterine layers much carefully and meticulously,” wika ni Dr. Morales.

Panoorin ang buong panayam sa August 28 episode ng “On Point”.

Napapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi sa Free TV: Channel 31, Cignal: Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Cignal Play, at sa official BNC YouTube and Facebook pages. (IS)