Nanawagan si Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando para sa agarang pagpapatupad ng P85 daily minimum wage hike sa National Capital Region (NCR) matapos mabigong maglagak ng P10 bilyong bond sa korte ang mga petitioner na Readycon Trading at R-II Builders.
Iginiit ni San Fernando na sa ilalim ng August 13 order na inilabas ng Pasig Regional Trial Court, na ang paglalagak ng P10 -bilyong injunction bond ay kondisyon para sa pagpapatupad ng Writ of Preliminary Injunction.
Dahil walang naihain na bond hanggang ngayong Agosto 28, sinabi ni San Fernando na walang legal na bisa ang pagsususpinde sa wage hike.
“Sobrang daling intindihin: walang bond, walang injunction,” sabi ni San Fernando.
“Dahil hindi naglagak ng bond ang mga petisyoner, ibig sabihin, legally effective at dapat nang ibigay agad ang P60.00 na dagdag-sahod ng ating mga manggagawa mula pa noong Hulyo 25. Ang problema, hanggang ngayon ay hinahayaan lang ni Judge Mary Joyce Manongsong ng Pasig RTC Branch 152 na matengga ang kaso, habang si DOLE Secretary Francis Tolentino naman ay nakatameme lang at hindi kumikilos,” dagdag pa nito.
Hinimok ni San Fernando ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maglabas ng pormal na direktiba na nag-uutos sa lahat ng employer sa NCR na ipatupad ang Wage Order No. NCR-27 na may retroactive effect upang simulan ang pagtataas ng sahod noong Hulyo 25, 2026.
Nanawagan din siya sa DOLE na agad gamitin ang visitorial at enforcement powers nito sa ilalim ng Article 128 ng Labor Code upang mabantayan ang mga employer at matibyak na ipatutupad ang taas-sahod.
“Kung ang P60.00 na dagdag-sahod ay hindi pa rin papasok sa payslip ng ating mga manggagawa ngayong katapusan ng Agosto, ipinapayo natin sa mga manggagawa na agad maghain ng kaso sa NLRC para sa underpayment of salaries,” sabi pa ng mambabatas.
“Doble at mas malaki ang babayaran ng mga kumpanya kung magmamatigas pa sila dahil sa Double Indemnity rule ng RA 8188,” dagdag pa ng solon.
Samantala, pinuri naman ni San Fernando ang naging hakbang ng Supreme Court En Banc, na nag-utos sa mga respondent na Readycon Trading and Construction Corporation, R-II Builders, Inc., at Alliance of Philippine Fishing Federations, Inc., gayundin sa RTWPB-NCR at NWPC, na maghain ng kanilang comments sa loob ng 10 araw sa petition for certiorari and prohibition na inihain ng Kamanggagawa party-list laban sa pagsuspinde ng taas-sahod. (Billy Begas)


