WebClick Tracer

Erpat ng estudyanteng namaril sa Ateneo de Zamboanga, sinampahan ng kaso

Ateneo de Zamboanga University campus entrance kung saan ipinatutupad ang mas mahigpit na seguridad at inspeksyon.

Isinampa na ang mga kasong kriminal laban sa isang school security personnel at sa ama ng estudyanteng namaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School noong Agosto 18, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ang ama ng suspek, na isang Customs police officer, ang rehistradong may-ari ng dalawang baril na ginamit sa insidente.

Samantala, pananagutin naman ang security personnel dahil sa mga nakitang kakulangan sa pagpapatupad ng school safety protocols.

Sa insidente, binaril at napatay ang isang Grade 10 student habang isa pang estudyante ang nasugatan. Matapos nito, pinaputok ng suspek ang baril sa kanyang sarili.

Ayon sa PNP, walang nakitang ebidensiya ang Special Investigation Task Group na nagpapakitang bahagi ng isang conspiracy ang pamamaril na kinasasangkutan ng anumang grupo, organisasyon o iba pang indibidwal.

Wala rin umanong natukoy na sapat na school-related o personal grievance na maaaring magpaliwanag sa insidente.

Gayunman, lumabas sa imbestigasyon ang mga indikasyon ng pagkakalantad sa violent online materials bilang ilan sa mga pangyayaring nakapaligid sa pamamaril.

Natukoy rin sa imbestigasyon na nagkaroon ng pagkukulang sa firearm safekeeping at accountability, na naging daan upang magkaroon ng unauthorized access sa mga baril na ginamit sa insidente.

May nakita ring security deficiencies sa paaralan, partikular sa entry at exit screening procedures.

Dahil dito, isinampa sa kaukulang prosecutorial authority ang reklamo para sa reckless imprudence resulting in homicide and physical injury laban sa ama ng suspek, bilang rehistradong may-ari ng mga baril, at sa school security personnel. (IS)