Nasa P2.47 milyong halaga ng cooking palm oil ang nakumpiska sa isang operasyon sa Nabua, Camarines Sur nitong Huwebes, Agosto 26.
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group at iba pang operating units ng PNP matapos ipatupad ang search warrant kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drugs Administration Act of 2009.
Narekober ng mga awtoridad ang iba’t ibang lalagyan na naglalaman ng humigit-kumulang 76 kilo at 56.4 litro ng cooking palm oil.
Nakumpiska rin ang tatlong digital weighing scales, isang closed van at mga kaugnay na dokumento.
Limang indibidwal na pawang nasa hustong gulang at mga Pilipino ang naaresto kaugnay ng operasyon.
Isa pang indibidwal na tinukoy sa report ang pinaghahanap pa.
Dinala ang mga naaresto at mga nakumpiskang produkto sa CIDG Camarines Sur Provincial Field Unit para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bahagi ang operasyon ng patuloy na pagsisikap ng pulisya na tugunan ang mga aktibidad na maaaring maglagay sa panganib sa publiko. (IS)


