Maaaring umabot sa limang milyong metriko tonelada (MT) ang rice imports ng Pilipinas ngayong 2026 dahil sa inaasahang epekto ng El Niño, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations tungkol sa panukalang budget ng DA para sa 2027, sinabi ni Tiu Laurel na karaniwang nasa 3.8 hanggang apat na milyong MT lamang ang pangangailangan ng bansa para sa imported rice.
Gayunman, dahil sa El Niño, maaaring madagdagan pa ang kailangang i-import ng bansa ngayong taon.
“Technically, normally, we’d need only 3.8 to 4 million tons. ‘Yan ‘yung ating need. But since we are facing El Niño, we are projecting that we might need to import up to 5 million tons for this year,” pahayag ni Tiu Laurel nitong Lunes, Agosto 31.
Para naman sa 2027, inaasahan ng DA na bababa sa humigit-kumulang 3.8 milyong MT ang rice imports dahil bahagi ng kakailanganing supply para sa unang quarter ng susunod na taon ay isinasagawa na umano nang mas maaga.
Ayon pa sa kalihim, mahalagang mapanatili ang mahigit 60 araw na buffer stock dahil sa pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Sa kabila ng inaasahang epekto ng El Niño, sinabi ni Tiu Laurel na “quite secure” ang rice requirements ng bansa hanggang sa pagtatapos ng 2026.
Ito aniya ay dahil noong nakaraang linggo, 3.8 milyong tonelada na ang na-import ng bansa.
Dagdag niya, bagama’t tinatayang nasa 60,000 ektarya ng agricultural areas ang naapektuhan, mukhang maayos pa rin ang harvest ngayong season at inaasahang makatutulong ito upang matugunan ang pangangailangan sa bigas hanggang matapos ang taon.
“That should carry us over until end of the year,” aniya. (IS)


