Nairita ang ilang netizen sa guesting ng singer na si Moira Dela Torre sa noontime show nila Ogie Alcasid nitong Huwebes. Halos naubos daw kasi ang airtime ng show sa pagiging pabebe nito para lamang bumati sa madlang people, at hinayaan pang ang mister ni Regine Velasquez ang mag-promote ng upcoming concert nito.
Kilala naman kasi si Moira na soft-spoken at hindi talaga palasigaw na tao. Kaya para isigaw nito nang malakas ang “What’s up, madlang people!” ay tila napaka-challenging para sa kanya, huh!
Nilaro-laro pa nga ng “It’s Showtime” host ang eksenang iyon ni Moira, dahil alam nilang hirap itong ibigay ang buong energy niya para sa pagbati sa audience.
“Inaabangan ko ang OA niyang pagbati sa madlang people,” pag-i-intro pa sa kanya ni Anne Curtis.
Humingi pa nga ng katahimikan ang mga ito, habang hinihintay si Moira na bumati. Bumuwelo muna ito, huminga nang malalim, tsaka pa lang ito nakasigaw finally ng “What’s up, madlang people!”
“Lahat ng kumakain ng tanghalian, tumigil marinig lang talaga ang boses ni Moira!” ani Vhong Navarro.
“Inipon niya ‘yon nang isang taon, binuhos niya ngayon,” pagbibiro naman ni Ogie.
Tuwang-tuwa naman silang lahat na puno na ng energy ang naging pagbati ni Moira sa show, hindi kagaya noong ga naunang guesting nito na hindi talaga siya makasigaw, huh!
Iyon nga lang, marahil naibigay na niya lahat sa pagbati niya nang pasigaw, ay hindi na ito gaanong nakapagsalita pa. Si birthday boy Ogie na lang tuloy ang nag-promote ng paparating na concert ng Hugot Songs Hitmaker.
Sa October 4 ay may concert si Moira sa Mall of Asia Arena. Puring-puri naman ni Ogie si Moira dahil aniya, “grabe ang galing ni Moira, iniba niya ang kanta namin. Dinagdag niya ‘yung mahika niya sa awitin.”
Ngunit may mga netizen, partikular sa Threads, na nakapanood sa eksenang iyon ni Moira na tila nairita rito.
“Sa totoo lang nakakairita sya kanina. Babati lang ng What’s up madlang pipol inabot sya ng siyam syam.”
“Ganda mga kanta nya pero ugali hindi daw. Isa pa yan, pabebe pa rn hanggang ngayon.”
“Ok lang naman na walang energy at mahina bumati eh pero ung tawa nya at pause tas tawa ulit ung nakakairita.”
Mayroon din namang nagtanggol kay Moira, at anila’y ganyan talaga ang branding sa kanya.
Hindi na raw siya si Moira kung susunod sila sa standards ng mga basher. (Jun Lopez)


