Nanawagan ang singer na si Ice Seguerra sa mga fan na huwag i-upload sa YouTube at iba pang social media ang buong performance o halos kabuuan ng kanilang concert.
Ani Ice, naa-appreciate niya ang pag-video ng mga fan sa kanilang performance dahil gusto niyang malaman ang reaksiyon, favorite moments at mga kantang may kahulugan sa mga ito.
Pero iba na raw kung buong performance na o halos buong concert na ang ina-upload.
Ayon kay Ice, ang pagbili ng concert ticket ay pagbili ng karanasan na mapanood ang show at hindi nangangahulugang may karapatan na ang ticket holder na i-record at i-upload ang buong show sa sariling YouTube o social media account nito.
“Hindi po dahil nakabili tayo ng ticket, atin na rin ang concert,” giit ni Ice.
Ipinaalala rin niya na maraming tao ang nasa likod ng bawat performance, kabilang ang mga artist, musician, composer, producer, publisher at crew, kaya protektado ang kanilang trabaho.
Paliwanag pa niya, ang pagre-repost ng buong kanta o malaking bahagi ng concert nang walang pahintulot ay hindi na simpleng “sharing” kundi unauthorized distribution na ng gawa ng ibang tao.
Hinikayat ni Ice ang fans na ipagpatuloy ang pagsi-share ng kanilang paboritong moments, larawan at maiikling video mula sa concert.
“Tell people what you loved about the show. We appreciate all of that. But please don’t upload the concert itself,” aniya.
Sa mga nakapag-upload naman ng buong performances mula sa kanilang mga show, pakiusap ni Ice na tanggalin ang mga ito.
“Support the music. Support the artists. Please don’t turn our work into content you never had the right to distribute,” saad niya. (IS)



