Nagpipigil ng luha si Anton Vinzon nang ipakita ang super laking billboard ng pagbibidahan niyang serye. Halos magbara nga ang kanyang lalamunan at hindi halos makapagsalita sa nakikitang atensiyon na ibinibigay sa kanya.
“Papa natupad na ang pangarap ko!” unang hirit ni Anton, na siyempre ay masayang-masaya naman ang tatay niyang si Roi Vinzon.
“Sana suportahan ng lahat ang ‘Kamao’ at abangan nila ang bakbakan na may puso!” sabi pa ni Anton.
Super relate raw si Anton sa karakter niya sa ‘Kamao’ bilang si Makmak. Na bilang artista, pinaghirapan talaga niya ang lahat, na nag-audition daw talaga siya sa lahat ng puwedeng pasukan, pero na-reject siya, at hindi siya natanggap noon.
At tulad ni Makmak, hindi rin daw siya sumuko, na ginawa rin ang lahat para maabot ang pangarap. Na kahit hinuhusgahan, o nadadapa, bangon pa rin nang bangon.
“Ganun din kasi ako sa totoong buhay, na hindi ako susuko para sa pamilya ko!” pahayag pa ni Anton.
Nagsisilbi nga raw na tribute niya ang seryeng ito sa kanyang ama na si Roi, na hindi rin sumuko sa pagsuporta sa mga pangarap niya.
“Malaking responsibilidad na mabigyan ng ganito kalaking serye. At hindi mawawala ang kaba, takot, challenge, pero mas nangingibabaw ang kasiyahan ngayon.
“Hindi lang ako ang lead dito, dahil lahat kami bida. At proud ako sa mga kasama ko. Sobrang pressure, pero inintindi nila ako.
“Lubos po ang pasasalamat ko sa lahat, at gagawin ko lahat ng makakaya ko para sa ating lahat.
“At tribute ko nga ito sa aking papa!” emotional na mensahe pa ni Anton.
Well, isa na ngang ganap na dramatic action star si Anton sa Kamao. Matapos ang kanyang tumatak na role sa ‘Mga Batang Riles’ at minahal na stint sa ‘Pinoy Big Brother’ heto at bidang-bida na nga siya, ha!
Ito nga ang kauna-unahang sports drama ng Kapuso, at bigating mga artista ang isinama kay Anton, tulad nina Amy Austria, Roi Vinzon, Wendell Ramos, Neil Ryan Sese, at Katrina Halili.
At siyempre, pinasok din ang mga promising young dramatic stars at trending social media personalities na sina Bruce Roeland, Therese Malvar, Chanty Videla, Tito Abdul at Tito Marsy, Matt Lozano, Euwenn Mikaell.
Sa direksyon nina L.A. Madridejos at Richard Arellano, kasama si Kevin de Vela bilang associate director, ipapakita ng ‘Kamao’ na ang tunay na panalo ay ang mas makilala ang sarili at matagpuan ang pagmamahal, kapayapaan, at pagtanggap sa loob ng pamilya.
Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso Stream.
Bongga! (Dondon Sermino)


