WebClick Tracer

Duque puwedeng suspindihin ng Ombudsman-Tolentino

Puwede umanong suspendehin ng Ombudsman si Secretary Francisco Duque sa gitna ng ginagawang imbestigasyon sa umano’y mga anomalyang bumabalot sa Department of Health (DOH) partikular sa pagbili ng mga personal protective equipment (PPEs) at COVID-19 test kit.

Sa interview ng DZRH, sinabi ni Tolentino na maaaring isailalim sa preventive suspension ni Ombudsman Samuel Martires si Duque upang maisagawa ang `impartial proble’ o malayang imbestigasyon sa ginawang pagtugon ng DOH sa global coronavirus pandemic kasama na ang sinasabing iregularidad sa procurement ng COVID-19 test kits at delay sa pagbili ng mga PPE at ibang medical equipment para sa medical health worker.

“May kapangyarihan ang Ombudsman na ganyan. Habang nag-iimbestiga, suspendihin muna. Para yung ebidensya hindi mapakialaman habang ginagawa itong masusing imbestigasyon ng Ombudmsan,” sabi ni Tolentino

Tugon ito ng senador sa pahayag ni DOH Usec Maria Rosario Vergeire na hindi aalis sa puwesto si Duque kahit nag-iimbestiga ang Ombudsman.

“Alam mo personal niyang (Duque) desisyon yan e. Walang makakapilit sa kanya. Personal na desisyon yan unless yung Ombudsman mismo ang magsabi na suspendido siya habang iniimbestigahan,” dagdag pa ni Tolentino .

“Tama po yan kasi Constitutional duty naman talaga yan ng Ombudsman. At para maalis na rin siguro yung agam-agam ng iba na mayrong mali na ginawa ang DOH. At para maliwanagan na ang lahat… kung may pagkakamali, baka pwede pa maayos. At kung mayron talagang malaking pagkakamali, ay dapat may managot,” sabi ng senador.

Isa si Tolentino sa 15 senador mula sa majority block na pumirma sa Senate Resolution No. 362 na humihiling kay Duqye na magbitiw sa puwesto. (JC Cahinhinan)