WebClick Tracer

Aagawan pa work mga Pinoy! Mga dayuhan magtatrabaho sa gobyerno

Nakatakdang talakayin ng Inter-Agency Task Force for the Managent of Emerging Infectious Diseases ang posibilidad na payagang makapagtrabaho sa bansa ang mga dayuhan sa malalaking proyekto ng gobyerno partikular sa Build,Build, Build projects.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mayroong kahilingan mula sa mga foreign embassy para payagang makapagtrabaho sa bansa ang kanilang mamamayan na kunektado sa mga dayuhang contractors ng mga major projects sa bansa.

Gayunman, tumanggi munang tukuyin ni Roque kung anong embahada ang mga ito hanggat walang kapasyahan ang IATF sa kanilang kahilingan.

“Hindi ko muna sasabihin which embassy pero marami kasi talagang nagre-request at marami talagang foreign nationals na mga contractors ang related sa mga flagship projects natin, yung mga malakihang mga proyekto po, lalong-lalo na yung mga foreign ang kanilang contractors,” ani Roque.

Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, hindi pinapayagang makapagtrabaho sa bansa ang isang dayuhan maliban na lamang kung may sponsor ito sa isang malaking kumpanya sa bansa.

Sinabi ni Roque na masusing tatalakayin sa IATF meeting ang kahilingan ng isang embahada para tingnan kung maaring payagang makapagtrabaho ang mga dayuhan sa bansa partikular sa construction industry.(Aileen Taliping)