Maganda ang resulta ng paggamit ng mga modernong jeepney ngayong may COVID-19 pandemic.
Ayon kay The Taguig Transport Cooperative (TTTC) Chairman Freddie Hernandez, simula nang gamitin nila ang mga modern jeepney unit noong Marso ay wala pang naitalang kaso o na-infect na pasahero o driver nito.
Kinontak aniya sila ng Taguig local government para tumulong na maghatid-sundo sa mga medical frontliner kung saan suspendido ang mga pampublikong sasakyan.
“I’m very happy to say that based from contact tracing reports, we have not received any cases of drivers or passengers getting infected from riding in our vehicles. Kaya nung pinili yung coop namin para maging partner nila para sa paghatid ng mga frontliner within Taguig, tinanggap ko agad kasi malaki ang tulong nito para sa mga frontliner at sa gobyerno, at para din sa mga drayber namin para kumita din sila,” sambit ni Hernandez.
Kabilang ang TTTC sa mga kooperatibo na sumailalim sa Public Utility Vehicle Modernization Program noong November 2017.
Kasalukuyang bumibiyahe ang nasa 150 driver nila at 88 modern unit sa main service road sa Taguig. (IS)


