WebClick Tracer

Miyembro ng prosecution team na lalabag sa sub judice rule, magbabayad ng multa – Barbers

Ang miyembro ng House prosecution panel na lalabag sa sub judice rule ng Senate impeachment court ang personal na haharap sa parusa, ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Robert Ace Barbers.

“Well, I’m sure nung lumabas yung ruling na yan ng ating presiding officer, lahat mag-iingat na. At kung sino magkamali, siya magbabayad,” sabi ni Barbers sa panayam ng TV host na si Pinky Webb sa “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.

Iginiit ni Barbers na ang paglabag na ginawa ng isang prosecutor ay kanyang personal na pananagutan at hindi dapat iugnay sa buong panel.

“Once you violate that, that is of your own doing. Wala namang kinalaman yung buong panel,” dagdag pa nito.

Ayon kay Barbers ang inilabas na ruling ni Presiding Officer Senator-judge Chiz Escudero kaugnay ng Rule 18 ay dapat magsilbing malinaw na paalala sa lahat ng sangkot sa impeachment proceedings na maging mas ma-ingat sa kanilang mga pampublikong pahayag at mga post sa social media.

Bukod sa mga abogado ng dalawang panig at mga senator-judge, saklaw ng Rule 18 ang Pangalawang Pangulo at ang mga testigo.

Sa unang paglabag ang parusa ay reprimand at ang mga susunod na paglabag ay may multang P30,000 bawat paglabag.

Kung abogado ang lumabag, maaari rin itong ipadala ng Senate Impeachment Court sa Integrated Bar of the Philippines at/o Supreme Court para sa posibleng disciplinary action.

Bilang panel spokesman, nilinaw ni Barbers na iba ang kanyang tungkulin sa mga abogadong direktang humahawak sa prosecution.

“Kasi ang aming objective is to inform and educate the public of what’s happening inside the trial court,” dagdag pa ni Barbers.

Sinabi niyang layunin ng communications effort ng prosekusyon na ma-laymanize ang mga teknikal na paglilitis upang mas madaling maunawaan ng ordinaryong mga Pilipino ang nangyayari sa impeachment court, habang tinitiyak na isinasaalang-alang ng panel ang mga paghihigpit sa ilalim ng sub judice rule. (Billy Begas)