WebClick Tracer

Higpitan ang batas sa gun ownership – Aquino, Villar

Nanawagan si Senator Bam Aquino sa kanyang mga kapwa mambabatas na agarang kumilos laban sa karahasan sa mga paaralan matapos niyang i-sponsor noong Miyerkoles ang Senate Bill No. 2426 o ang Comprehensive School Safety Act, kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa mga kaugnay na hakbang, kabilang ang mas mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng baril.

Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Aquino ang agarang pangangailangan na palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa mga paaralan kasunod ng dalawang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban at Zamboanga na ikinasawi ng limang estudyante, pati ng iba pang insidente ng karahasan sa mga paaralan.

“Masakit at nakakapanglumo ang mga pangyayaring ito. Ang paaralan ang dapat maging ligtas na espasyo kung saan natututo ang ating mga anak, nabubuo ang kanilang pagkatao, at umuusbong ang kanilang mga pangarap,” wika ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Hindi po dapat ito maging lugar ng takot, pananakit, o ng karahasan. Hindi ho natin pwedeng tanggapin na bahagi na lamang ito ng normal na buhay sa paaralan. Hindi natin maaaring hintayin ang susunod na insidente bago po tayo kumilos,” dagda pa niya.

Ayon kay Aquino, ang pagtugon sa karahasan sa mga paaralan ay nangangailangan ng komprehensibong pagkilos na sumasaklaw sa kaligtasan sa paaralan, responsableng pagmamay-ari ng baril, online safety, at mas matibay na proteksyon laban sa child exploitation.

“Wala pong iisang batas o simpleng solusyon na sasagot sa problemang ito. Kailangan po ng masusing pagtingin sa access ng mga bata sa social media—ito po ay binubuo sa pamumuno ni Senator Robin Padilla. Mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban po sa baril at armas, na siya pong ginawang privilege speech ni Senator Erwin Tulfo,” punto ni Aquino.

Kaugnay nito, nanawagan si Senador Mark A. Villar para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2426, o ang panukalang Comprehensive School Safety Act, sa kabila ng sunod sunod na insidente ng karahasan na kumitil sa buhay ng mga estudyante at kawani ng paaralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kanyang co-sponsorship speech, binigyang-diin ni Villar na ang bawat buhay na nasasayang ay nangangailangan ng konkreto, angkop, at mabilisang tugon upang maprotektahan ang mga bata,titser, personnel laban sa mga karahasan sa mga paaralan.

“Lubos pong nakakaalarma ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga eskwelahan. Kailangan po na magkaroon ng comprehensive at holistic na solusyon sa isyu na ito, lalong-lalo na at nakikita natin kung gaano kadali para sa mga kabataan ang magkaroon ng akses sa baril at iba pang deadly weapons,” ani Villar.

Ang substitute measure, na nakapaloob sa Committee Report No. 89, ay nagtatatag ng komprehensibo, angkop at mas pinalawig na polisiya para sa kaligtasan sa paaralan. Saklaw panukala ang mga paraan sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa iba’t ibang banta at emergency upang mapangalagaan ang pisikal, mental, psychosocial, pangkalusugan, at digital na kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani ng paaralan.

Ikinatuwa din ni Senador Villar dahil naisama na mahahalagang probisyon ang dalawa niyang naunang inihain na panukalang batas: ang Senate Bill No. 2321, o ang Learning Institutions’ Guaranteed Threat Avoidance and Safety (LIGTAS) Act, at Senate Bill No. 2133, o ang Students’ Guidance Counseling Act.

Alinsunod sa LIGTAS Act, itinatakda ng Comprehensive School Safety Act ang mas pinaigting na presensya ng mga pulis at emergency response team sa loob o paligid ng mga paaralan. Tutulong ang mga ito sa pagsasagawa ng security inspections, threat assessments, at iba pang operasyong pangkaligtasan.

Inaatasan din ng panukala ang mga paaralan na maglagay ng mga kagamitang panseguridad gaya ng closed-circuit television cameras o CCTV at metal detectors. (Dindo Matining)