Anim na katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi habang tatlo pa ang nawawala matapos tumaob ang isang bangka na lulan ang 13 indibidwal sa Mapanuepe Lake, Barangay Buhawen, San Marcelino, Zambales noong Huwebes, Agosto 27.
Ayon sa PNP Zambales Police Provincial Office, pauwi na ang mga pasahero matapos dumalo sa isang 4Ps meeting at vaccination activity sa barangay center nang makaranas umano ng masamang panahon na naging dahilan ng pagtaob ng kanilang sinasakyang bangka.
Apat na pasahero ang nakaligtas sa insidente.
Samantala, ipinagpatuloy ng mga awtoridad nitong Biyernes ang search, rescue and retrieval operations para sa tatlong nawawalang pasahero ngunit nahirapan ang mga rescuer dahil sa masamang lagay ng panahon sa lugar.
Ayon sa mga awtoridad, magpapatuloy ang search and retrieval efforts sa oras na maging ligtas ang kondisyon ng panahon.
Nasa kustodiya na ng San Marcelino Police Station ang banca operator para sa posibleng pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide. (IS)


