Iginiit ni dating House Speaker Martin Romualdez na nagdulot ng malaking pagdududa sa mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa flood control scandal ang pagbawi ng testimonya ni Orly Guteza at ng ilan sa tinaguriang “Maleta Boys” o grupo ng 18 dating security aide at drayber ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Inihayag ito ni Romualdez sa kanyang 25-pahinang supplemental counter-affidavit na inihain sa Office of the Ombudsman noong Huwebes.
Ayon sa dating Speaker, hindi lamang umano nito sinisira ang reliability at credibility ng mga pangunahing testigo.
Dahil dito, iginiit ni Romualdez na hindi dapat payagan ng Ombudsman na magpatuloy ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.
Si Guteza, isang dating Marine na nagpakilalang naging bagman ni Co, ay binawi ang una niyang testimonya na naghahatid umano siya ng mga maletang puno ng cash na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng flood control project patungo sa isang property na iniuugnay kay Romualdez.
Ayon kay Romualdez, sinabi ngayon ni Guteza na ang naturang kuwento ay hindi batay sa sarili niyang kaalaman.
“He now states, in substance, that this bridge was engineered, and constructed for him — that the accusation was not drawn from his personal knowledge, but was allegedly supplied, prepared, revised, and presented to him for adoption,” ani Romualdez sa kanyang supplemental counter-affidavit.
Binigyang-diin din ng dating Speaker na mayroon na umanong 32 sworn statements na direktang sumasalungat sa narrative na itinutulak ng complainants.
Para kay Romualdez, hindi ito simpleng usapin na maaari pang ayusin sa paglilitis sa hinaharap dahil nakikita na umano ngayon ang malaking problema sa ebidensiya.
Muling iginiit ni Romualdez na matapos mawala ang sinasabing link na nag-uugnay sa kanya sa cash deliveries, nananatili ang tinatawag niyang evidentiary gap sa kaso.
Aniya pa, walang contractor na nagsabing nagbayad siya kay Romualdez, walang opisyal ng Department of Public Works and Highways na nagsabing humingi o tumanggap siya ng kickback, at walang partikular na proyekto o financial record na direktang nag-uugnay sa kanya sa umano’y ilegal na pera.
Dahil dito, sinabi ni Romualdez na hindi umano sapat ang ebidensiya upang maabot ang pamantayan ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction sa ilalim ng 2026 Ombudsman Rules of Procedure.
Sa mga affidavit na kalakip ng supplemental counter-affidavit, sinabi rin umano ng ilan sa mga dating driver at security aide ni Co na inalok sila ng “financial gain” upang sumali sa tinaguriang “18 Marines.”
Para kay Romualdez, lalo nitong pinahihina ang mga alegasyon ng grupo ng 18 security aides.
Sa huli, iginiit ng dating Speaker na ang magkakasalungat na testimonya, mga recantation at affidavit of denial ay sapat upang kuwestiyunin ang kredibilidad ng mga pangunahing alegasyon laban sa kanya.


