WebClick Tracer

Niño Muhlach nag-sorry matapos mang-araro sa Antipolo

Nagkuwento ang ilang biktima at saksi tungkol sa aksidenteng kinasangkutan ng aktor na si Niño Muhlach matapos bumangga ang kanyang sasakyan sa ilang establisimyento sa Antipolo City.

Sa panayam ni Lean Bustillos ng Abante, ibinahagi ng mga nakasaksi at may-ari ng mga establisimyentong naapektuhan ang kanilang karanasan sa insidente.

Ayon kay Roman de Guzman, isang traffic enforcer sa Antipolo City, posibleng nakaidlip ang driver habang nagmamaneho.

“Medyo nakaidlip ‘yung driver, ‘yun ‘yung ano namin. Pagkadating kasi namin dito, ‘yun na nga nakasampa na ‘yung kotse dito sa may gutter at ‘yun nga, mayroon siyang tinamaang isang taong kumakain.

“Bale kumakain siya sa may karinderya dito at the same time, inabot na rin po ‘yung motor niya na naka-park dito,” kuwento ni De Guzman.

Ayon pa sa traffic enforcer, tumama ang sasakyan sa motorsiklo hanggang sa pumailalim ito sa sasakyan.

Hindi lamang ang motorsiklo at ang taong kumakain ang nasapol sa insidente.

Ayon pa kay De Guzman, maayos naman ang kalagayan ng driver ngunit nakaramdam ito ng pananakit sa tagiliran.

Samantala, ang rider ng motorsiklo ay nakaramdam naman umano ng pananakit sa likod at hita, at dinala sa United Antipolo Hospital Specialist na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Samantala, emosyonal na ikinuwento ni Elina Barcillano, may-ari ng sari-sari store, ang karanasan niya sa insidente.

Aniya, nasa loob siya ng kanilang tindahan nang bigla na lamang niyang marinig na parang may sumabog.

Nang tingnan niya raw ang nangyari, nakita niyang wasak na ang kanyang tindahan.

“Nagulat ako, hindi na ako makagalaw,” aniya.

Ayon pa kay Barcillano, nang makita siya ng driver ay agad daw humingi ng paumanhin.

“Sabi niya, ‘Sorry po, sorry po.’ Sige ang sorry niya. Sabi ko, ‘Sino ba ‘to? Sorry, sorry kako, papatayin mo ako? Nandito ako, wasak na ‘yung tindahan ko. ‘Yung hanapbuhay namin nawala na.’ ‘Yun pala si Niño Muhlach pala. Hindi siya lumalabas kasi, ‘pag lumabas siya, ang dami-daming tao,” wika niya.

Ayon pa sa may-ari ng sari-sari store, nagbigay umano si Muhlach ng P3,000 sa pamilya bilang paunang tulong.

Gayunman, magkikita pa umano sila muli upang pag-usapan ang iba pang pinsala at kung paano ito aayusin.

Samantala, masuwerte namang walang tao sa loob ng barber shop na tinamaan din sa insidente.

Gayunman, sinabi rin umano sa kanila na kakausapin sila sa susunod na araw upang pag-usapan ang pagkukumpuni ng establisimyento at anumang tulong na maaaring maibigay ni Muhlach.