WebClick Tracer

‘ICC strikes again’: Sen. Imee binanatan pagsisi sa mga guro sa Zamboanga school shooting

Nagpahayag ng pagkadismaya si Sen. Imee Marcos sa pagsisi umano sa mga guro kaugnay ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga at hinimok ang mga ahensiya na mas tutukan ang mga grupong nangre-recruit at nagbe-brainwash ng kabataan.

Sa kanyang pahayag, tila tinutukoy ni Marcos ang naging pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro hinggil sa mga guro.

“Naku ha, ICC strikes again. Ano ba naman sila? Bakit n’yo naman sisisihin ‘yong mga hamak na teacher? Samantalang ‘di ba ‘yong isang guro, siya pa nga ang pinupuntirya?” ani Marcos.

Binigyang-diin ng senadora na hindi umano dapat sa mga guro ibunton ang sisi lalo na’t may mga guro rin aniya na maaaring maging target ng karahasan.

“Hindi ba dapat kung magtuturuan at magsisisihan na naman tayo, ang una dapat ‘yong mga nagmo-monitor at nagre-regulate niyan, ‘yong mga ahensiya ng gobyerno?” aniya.

Partikular na nanawagan si Marcos sa Department of Information and Communications Technology, Cybercrime Investigation and Coordinating Center at National Telecommunications Commission na gawin ang kanilang mandato sa pagtugon sa mga aktibidad online.

Maging ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police ay hinamon din niyang paigtingin ang kanilang operasyon laban sa mga umano’y criminal grooming syndicate at mga grupong nagbe-brainwash o nanghihikayat sa mga kabataan.

“Sangkatutak ang imbestigador sa gobyerno, kung ano-ano iniimbestigahan ninyo. Ano ba naman, gawin ninyo ‘yong trabaho at itong mga nagbe-brainwash at nagre-recruit ng kabataan natin, ‘yan ang una ninyong tirahin. At konting payo lang, huwag sisisihin ang ating mga teacher, labis-labis na ang hirap nila,” giit niya.

Matatandaang kamakailan nag-demand ng apology mula kay Castro ang Alliance of Concerned Teachers at sinabihang bawiin ang kanyang pahayag na nag-aakusa sa ilang guro ng pagtuturo umano sa mga estudyante kung paano maging walang modo lalo na sa mga matatanda o sa ibang tao kasunod ng malagim na pamamaril ng isang estudyante sa Ateneo de Zamboanga University. (IS)