WebClick Tracer

Chinese Embassy Tinagalog upak kay Tarriela

Hindi pinalampas ng Chinese Embassy Manila ang mga bagong pahayag ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela matapos muling batikusin ang China at mga Chinese official.

Sa isang Facebook post, direktang niresbakan ng Chinese Embassy Manila si Tarriela sa wikang Filipino.

Giit nito, “Kahit ulit-ulitin mo pa nang isang libong beses ang kasinungalingan, kasinungalingan pa rin ‘yan.”

Kalakip ng mensahe ang hashtag na “#TA-LIE-LA’s record speaks for itself”, na paglalaro sa apelyido ni Tarriela at sa salitang “lie” o kasinungalingan.

Sa parehong post, binanggit ng Chinese Embassy ang ilang umano’y insidente upang kuwestiyunin ang kredibilidad ni Tarriela.

Kabilang dito ang insidente noong 2003, nang isang estudyante pa lamang umano si Tarriela sa Philippine Military Academy, kung saan nahuli umano siyang nag-cheat sa pagsusulit.

Binanggit din ang umano’y paratang na paglabag ni Tarriela sa honor code bago ang kanyang graduation noong 2004.

Tinukoy rin ng Chinese Embassy ang insidente noong Disyembre 2025 na kinasasangkutan ng Chinese Navy vessel at isang Pilipinong mangingisda.

Ayon sa embassy, itinanggi umano ni Tarriela ang mga pangyayari, kahit na makikita raw sa inilabas na video ang mangingisdang binibigyan ng pagkain at tubig.

Binanggit din sa post ang isang pahayag noong Enero 2026, kung saan sinabi ng embassy na binatikos umano ni Tarriela ang Chinese leader ngunit kalaunan ay “nagsinungaling” sa harap ng camera at itinanggi ito.

“Ngayon, may bago na naman siyang kasinungalingang imbento. Ilang kasinungalingan pa ba ang sinabi ni #TA-LIE-LA, at ilan pa ang ikakalat niya?” pagtatapos ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei sa post. (IS)