WebClick Tracer

Car salesman naging instant prinsipe matapos makumpirma sa DNA test na anak ng dugong bughaw

Mula sa pagiging ordinaryong car salesman, biglang nagbago ang buhay ng isang 26-anyos na Belgian matapos kumpirmahin ng DNA test na siya ay anak ni Prince Laurent ng Belgium.

Si Clément Vandenkerckhove ay pormal nang kinilala bilang anak ni Prince Laurent, bunsong anak nina dating Belgian King Albert II at Queen Paola at nakababatang kapatid ng kasalukuyang si King Philippe.

Ayon sa ulat ng The Telegraph, nagkaroon umano ng relasyon si Prince Laurent sa ina ni Clément na si Iris noong dekada 1990, bago nito pakasalan si Princess Claire noong 2003.

Nalaman ni Clément ang katotohanan tungkol sa kanyang tunay na ama nang sabihin ito sa kanya ng kanyang ina noong siya ay 16-anyos.

Makalipas ang apat na taon, nagpasya siyang makipag-ugnayan kay Prince Laurent. Nauwi ito sa isang DNA test na isinagawa nilang magkasama sa ospital.

Bagama’t matagal nang napatunayan sa DNA test ang kanilang relasyon, makalipas lamang ng anim na buwan pormal na kinilala si Clément bilang anak ni Prince Laurent sa isang seremonya sa town hall.

Kalaunan, ipinatala rin ni Prince Laurent ang kanyang paternity kay Clément sa civil registry.

Dahil sa pagkilala sa kanyang royal lineage, may karapatan na si Clément sa pantay na bahagi ng ari-arian ni Prince Laurent, kasama ang tatlo niyang half-siblings, na anak ni Princess Claire.

Gayunman, hindi siya awtomatikong tatanggap ng royal allowance. Dahil sa mga repormang ipinatupad sa Belgium noong 2013, ang naturang benepisyo ay limitado sa reigning monarch at direct heir.

Wala rin siyang opisyal na tungkulin bilang miyembro ng royal family at wala siyang karapatan sa trono.

Sa kabila ng kanyang bagong katayuan, wala raw plano si Clément na gamitin ang royal family name na Saxe-Coburg.

Aniya, proud siya sa kanyang apelyidong Vandenkerckhove, na mula sa kanyang ina.

Si Prince Laurent, 63, ay kasalukuyang ika-15 sa linya ng succession sa trono ng Belgium. (IS)