Nauwi sa tensiyon ang operasyon ng Regional Highway Patrol Unit ng National Capital Region (NCR) laban sa umano’y ilegal na bentahan ng sigarilyo matapos madawit ang ilang tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na nagsasagawa naman ng hiwalay na operasyon sa isang warehouse sa Bulacan.
Ayon sa ulat ni Andrea Salve sa “Agenda”, eksklusibong nakakuha ang Bilyonaryo News Channel ng ilang video na bahagi ng isinagawang entrapment operation na umano’y naglalayong tuklasin ang bentahan ng ilegal na sigarilyo sa lugar.
Ang operasyon ang naging ugat umano ng isyu sa pagitan ng Philippine National Police at BOC matapos lumabas sa mga ulat ang umano’y pagpang-abot ng dalawang panig sa isang warehouse sa lugar.
Humantong pa ito sa pagkakasibak ng 13 tauhan ng nasabing unit na umano’y sangkot sa pangangapkap at pagdisarma sa mga tauhan ng BOC.
Batay sa impormasyong nakalap ng BNC, dalawang tauhan umano ng Customs ang nagbukas sa warehouse pero hindi nakasaad na kinapkapan nila ang mga ito.
Ang dalawa pa diumano ang naningil ng bayad para sa binebentang ilegal na sigarilyo.
Hanggang sa makarinig umano ang Regional Highway Patrol Unit ng ingay ng mga paparating na sasakyan na nagtulak sa kanilang lumabas papunta sa katabing warehouse.
Saka umano napagtanto ng mga awtoridad na ang unang pinasok na warehouse ay incineration plant pala ng BOC.
Una nang iginiit ng BOC na lehitimo ang kanilang operasyon noong Agosto 19 para sa pagsira sa mga nakumpiskang sigarilyo.
Kinuwestiyon naman ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang paraan ng pagkakasa umano ng operasyon ng pulisya.
Ayon sa kanya, kung talagang entrapment operation ang pakay ng mga pulis, dapat ay may malinaw na proseso at ebidensiyang magpapatunay sa umano’y paniningil ng pera ng mga tauhan ng Customs.
“This is not how you conduct an entrapment operation. ‘Di ba, nag-barge in sila, frineeze ‘yung mga tao namin, kinapkapan. Nasaan doon ‘yung entrapment na nanghihingi ng pera? So they have to do a lot of explanations,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Nepomuceno na hindi rin niya kukunsintihin ang sinumang tauhan ng BOC kung mapapatunayang sangkot sa ilegal na bentahan ng sigarilyo.
“If they have proof — text messages or what — na nanghihingi ang tao namin, hindi ko rin ito-tolerate ‘yun,” aniya.
Una na ring iniulat na nagkaroon umano ng kalituhan sa operasyon matapos malaman na ang target na lugar ng Regional Highway Patrol Unit ay nasa ibang lokasyon at hindi ang pinagsasagawaan ng destruction operation ng BOC sa mga nakumpiskang sigarilyo.
Pero para kay Nepomuceno, hindi ito sapat na dahilan para malito o magkamali ang kapulisan sa kanilang operasyon.


