Patok online ang portrait ni Pinay tennis star Alex Eala na iginuhit ng netizen gamit lamang ang uling mula sa kahoy at kaserola, at mga lapis.
Sa Facebook post ng artist na si PIPAT Draws, makikita kung paano niya unti-unting nabuo ang portrait ni Alex.
Hinirit kasi ng mga netizen na si Eala naman ang iguhit niya.
Gamit ang isang piraso ng kahoy na may uling sa dulo, sinimulan ng artist ang pagbalangkas sa mukha ni Alex sa malaking canvas.
Mula sa simpleng mga linya, unti-unting lumitaw ang hugis ng mukha, buhok at iba pang bahagi ni Eala.
Ngunit ang mas nagpahanga sa mga netizen ay ang kakaibang paraan niya ng paglalagay ng shading.
Bukod kasi sa uling ng kahoy, ginamit ni PIPAT Draws ang uling na namuo naman sa ilalim ng kaserola upang makagawa ng malalambot na anino at shading sa mukha ni Alex.
Gamit ang kanyang mga daliri, maingat niyang ipinahid ang uling sa canvas upang makuha ang tamang lalim at tono ng balat.
Para naman sa mas maliliit na detalye, gumamit siya ng iba’t ibang lapis at eraser pen upang mas maging malinaw ang mga mata, kilay, ngipin, buhok at iba pang bahagi ng mukha ni Eala.
Nakuha ng artist ang masayang ekspresyon ng mukha ni Alex, dahilan upang lalo itong maging buhay at kapansin-pansin na tila litrato kapag tinitigan.
Dahil dito, umani ng paghanga ang artwork mula sa mga netizen:
“Kuhang kuha niya.”
“Wow.”
“Galing boss.” (IS)


