WebClick Tracer

Motorsiklo isinangla ng kainuman na pinabibili lang ng pulutan

Nahaharap sa kasong carnapping ang isang construction worker matapos nitong itakbo ang ipinahiram sa kanyang motorsiklo ng kanyang kainuman sa Lucena City.

Napag-alaman na ipinagamit lamang ng biktima ang kanyang motorsiklo upang pabilihin ng pulutan ang suspek subalit hindi na ito bumalik at sa halip ay dinala sa Batangas ang motorsiklo at isinangla.

Ayon sa report ng Lucena City Police Station, nangyari ang insidente bandang 6:30 ng gabi noong Martes, habang nag-iinuman ang biktima at suspek sa Purok Matahimik Looban, Brgy. Cotta, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si alyas ‘Edgar’, 29-anyos, isang credit counselor, habang ang suspek ay si alyas ‘Lee’, 33-anyos, isang construction worker.

Matapos na hindi bumalik ang suspek makalipas ang 24 oras, nagsumbong na ang biktima sa pulisya at sa tulong ng isang impormante, natagpuan ang kinaroroonan ng suspek at agad na inaresto.

Sa isinagawang imbestigasyon, nadiskubre na ang motorsiklo ay isinangla na ng suspek sa Brgy. Hugom, San Juan, Batangas.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883, o ang New Anti-Carnapping Act of 2016. (Ronilo Dagos)