WebClick Tracer

VP Sara binuweltahan sa banat na walang maaasahan kay PBBM sa El Niño

Palace Press Officer Atty. Claire Castro naglalabas ng pahayag sa Malacañang tungkol sa banat ni VP Sara Duterte

Puro paninira at character assassination lamang umano ang ginagawa ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pero wala namang ambag sa paglutas sa problema ng bansa partikular sa paghahanda sa epekto ng super El Nino.

Ito ang ganting sagot ng Malacañang sa banat ni VP Sara na walang maaasahan sa Pangulo sa pagtugon sa super El Niño.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang daling magturo at magsabi ng walang maaasahan sa Pangulo para iangat ni VP Sara ang sarili kahit wala siyang ginagawang makabuluhan para sa mga Pilipino.
Puro paninira lamang aniya ang ginagawa ng bise Presidente  pero wala naman itong solusyon sa nararanasan ngayon ng mga Pilipino.

Sinabi ni Castro na dalawang beses ng nagpatawag ng pulong ang Presidente sa Malacañang para kumuha ng update sa mga ginagawang paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagtugon sa epekto ng el niño. (Aileen Taliping)