WebClick Tracer

Malacañang dumistansiya sa pag-atras ng prosekusyon sa 3 impeachment articles vs VP Sara

Hindi umano makikialam ang Malacañang kung ano man ang naging desisyon ng prosecution panel sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte.

Kasunod ito ng pag-withdraw ng prosecution sa Articles 1,3 at 4 sa impeachment ng pangalawang Pangulo.

Ayon kay Palace Press Officer Atty.Claire Castro, katotohanan, transparency at pananagutan ang hangad ng sambayanan pero kung ito ang istratehiya aniya ng prosekusyon ay igagalang ng Palasyo.

Sinabi ni Castro na kung ano ang mga naipakitang ebidensiya at mga dokumento sa impeachment hearing ay iyon ang mananatili sa isipan ng mga Pilipino.

Kung sinagot sana aniya ni VP Sara noon pa ang kuwestiyon sa isyu ng kanyang confidential funds ay hindi na siguro umabot ito sa impeachment trial.

Hindi naman masabi ni Castro kung magpapahina sa impeachment ng bise presidente ang pag-withdraw sa tatlong articles of impeachment. (Aileen Taliping)