Bumaba ang antas ng ilegal na pangingisda sa Pilipinas kumpara sa mga nakaraang taon, ayon kay Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Spokesperson Nazario Briguera.
Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel, sinabi ni Briguera na kabilang sa mga hamon sa industriya ng pangisdaan ang pagtugon sa illegal, unreported and unregulated (IUU) fishing.
“Definitely nako-compromise po nito ‘yung ating sustainability ng fisheries production at kapag ito ay apektado, definitely maapektuhan po ang ating supply ng isda,” ani Briguera.
“Sa mga datos po natin, marami pa ring insidente ng tinatawag natin na illegal fishing. Although kumpara sa mga nakaraan, nabawasan na ito,” dagdag niya.
Nakatulong umano rito ang pagpapabuti ng pagpapatupad ng mga batas pangisdaan, pagpapataw ng mas mabibigat na parusa sa mga lumalabag at pagdaragdag ng mga sasakyang pandagat para sa pagpapatrolya.
“Malaki na ang naging improvement natin when it comes to fishery law enforcement. In fact may isa ulat dito sa Asia na in terms of illegal fishing index, bumaba ang antas ng Pilipinas pagdating sa mga insidente ng illegal fishing,” ani Briguera.
Ayon kay Briguera, pangunahing tungkulin ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabantay sa municipal waters, habang nagbibigay naman ang BFAR ng teknikal na tulong at nakikipagtulungan sa iba pang ahensya, kabilang ang Philippine Coast Guard at Philippine National Police Maritime Group.
Gumagamit din umano ang BFAR ng information technology-based system na IFIT upang matukoy ang mga lugar na bulnerable sa ilegal na pangingisda at maitugma ang pagtugon sa mga naiulat na insidente.
Binanggit din ni Briguera ang Bantay Dagat program, kung saan katuwang ang mga mangingisda sa pangangalaga sa karagatan at pagpapatupad ng mga batas pangisdaan upang mabawasan ang mga insidente ng ilegal na pangingisda.
Panoorin ang buong panayam sa October 14 episode ng “The Commanders” ng Abante, simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


