Nasakote sa Mabini, Batangas ang isang driver matapos umanong magbiyahe ng 1,000 litro ng diesel fuel nang walang maipakitang kaukulang dokumento at permit.
Dakong alas-3:15 ng madaling araw nitong Biyernes, nang mapara ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit ng Batangas PPO, Mabini police at Regional Special Operations Unit 4A ang isang puting Elf truck sa Barangay San Juan.
Ayon sa pulisya, nabigong magpakita ang driver ng delivery receipt, transport manifest, at anumang lisensya, permit o awtorisasyon mula sa Department of Energy para sa pagbiyahe, pag-iimbak o distribution ng produktong petrolyo.
Sa inspeksyon, natuklasan sa truck ang isang IBC tote na may tinatayang 1,000 litro ng diesel, isang bakanteng IBC tote at chemical hose na pinaniniwalaang ginamit sa operasyon at pagbiyahe ng produktong petrolyo.
Dahil dito, inaresto ang driver na kinilala sa pangalang Brian dahil sa umano’y paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33 kaugnay ng illegal trading ng petrolyo at iba pang petroleum products.
Tinatayang P399,350 ang kabuuang halaga ng nasabat na diesel, truck at iba pang kagamitan na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.


