WebClick Tracer

Rep. Benny Abante: VP Sara, Mans Carpio hiwalay na ba?

Sa gitna ng posibilidad na gawing hostile witness ng prosecution team ang mister ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio, napatanong si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. kung magkasama pa ba ang mga ito o hiwalay na.

“Si Atty. Carpio hostile witness? Di ba… yung bang si Atty. Carpio saka si Vice President magkasama pa bilang mag-asawa? So di ba? I mean ako, kinukuwestiyon ko yan. I mean paano maging hostile witness si Atty. Mans Carpio, Paano maging hostile witness yan? Yan po lang ang tanong ko,” ani Abante.

Si Carpio ay hindi naiwasang madawit sa unexplained wealth article dahil hindi lamang ang bank account ng pangalawang pangulo ang makakakalkal kundi ang mga personal account nito bilang asawa ng nasasakdal.

Dahil dito, sinabi ni prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na pinag-aaralan ng prosecution team na gawing hostile witness ang mister ng pangalawang pangulo bagay na kinuwestiyon ni Abante dahil kung hiwalay na ito ay hindi na ito puwedeng gawing hostile kundi direktang witness na.

“Narinig ko lang e kaya nga tinatanong ko kung magkasama pa dahil narinig ko na sila ay magkahiwalay na. Yan ang narinig ko kaya sinasabi ko paano maging hostile witness si Atty. Carpio kung hindi na sila magkasama ng Vice President di ba?” ani Abante.

“Kaya nga tinatanong ko, sila ba ay makasama pa? Yun ang tanong ko e di ba? Hindi ko naman sinasabi hindi na sila magkasama. I’m just asking. Sila ba ay makasama pa? Because kung sila ay makasama maaaring sabihin ni Vice President o sige maging hostile witness ka pero kung hindi magkasama yan paano maging hostile witness si Atty. Mans Carpio? Yun lang po ang aking tanong diyan,” dagdag pa ni Abante.

May nagsabi umano kay Abante na kamakailan lamang ay may larawan ang magkakapatid na sina VP Sara, Rep. Paolo “Pulong” Duterte at Mayor Sebastian “Baste” Duterte na kasama ang kanilang mga asawa na nagkakuha ng larawan sa isang kaanak na nagselebra ng ika-100 taong kaarawan.

“Ay ganun? Well of course, kasi nung araw pa e, nung araw pa yan sinasabi na hindi na magkasama e so I’m just asking the question kung talagang sila yung magkasama pa. Whatever it is for example, alam mo naman ang politics e, pwede mag-kukuha ng picture yan kung sino-sino yan, hindi ba magkasama kunwari pero hindi pala,” ani Abante.

Nang tanungin ang mambabatas kung may impormasyon ito na hiwalay na ang second couple, sinabi niya ito ng “Hindi ko alam e, kaya nagtatanong ako e.” (Bernard Taguinod)