Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang driver na sangkot sa insidente ng road rage sa kahabaan ng Ortigas Avenue sa Greenhills.
Ayon sa LTO, makikita sa viral video ang agresibong pakikipagtalo ng driver ng isang pribadong sasakyan sa isa pang motorista.
Dahil dito, nag-isyu ang ahensya ng show cause order laban sa naturang driver at inatasang humarap sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 11.
Pinagpapaliwanag din siya kaugnay ng kasong improper person to operate a motor vehicle at iba pang posibleng paglabag na maaaring matukoy sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Kasabay nito, isinailalim sa 90 araw na preventive suspension ang lisensya ng driver at inatasang agad itong isuko sa LTO. Inilagay rin sa alarm status ang sasakyang sangkot habang nagpapatuloy ang proseso at imbestigasyon.
“Hindi dapat dinadala sa kalsada ang galit o anumang hindi pagkakaunawaan. Anuman ang naging dahilan, hindi ito dapat mauwi sa pagiging agresibo o anumang kilos na maaaring magdulot ng panganib sa ibang motorista at iba pang gumagamit ng kalsada,” ani LTO Chief Markus Lacanilao.
Tiniyak din ng LTO na patuloy nitong aaksiyunan ang mga insidenteng nagpapakita ng iresponsable at mapanganib na pag-uugali sa kalsada at pananagutin ang mga sangkot.


