WebClick Tracer

4 pantalan ng PPA tutok sa MV June Aster victims, kaanak

Bagama’t walang direktang hurisdiksiyon sa malagim na insidente, 24 oras na nakaantabay ang apat na pantalan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa paglubog ng RoPax vessel MV June Aster sa karagatan ng Palawan.

Kabilang sa mga pantalan ng PPA na nag-aantabay ay ang Coron, Culion, Cuyo at El Nido na pawang matatagpuan sa lalawigan ng Palawan.

Ang nasunog na barko na pagmamay-ari ng Atienza Shipping Lines ay naglalayag mula sa Maynila patungo sa Coron sa nabanggit na lalawigan.

Kabilang naman sa mga preparasyon at pag-agapay na ginagawa ng mga tauhan ng mga nabanggit na pantalan ay ang pagtiyak na maaasikaso nang maayos ang mga kamag-anak ng mga sakay na magtutungo sa kanila sa pag-asang makakuha ng impormasyon tungkol sa lagay ng mga ito.

“BRP Cape Engaño arrived at Port of Coron at 0530H and unloaded 120 sacks of rice, canned goods and Medical Supplies for victims of MV June Aster incident. Member of the troops are also sent to assist in the search and rescue operations,” bahagi ng impormasyong nakalap ng Abante Bilyonaryo group patungkol sa mga pangyayari sa mga pantalan ng PPA.

Ang mga nabanggit na pantalan ay magbibigay ng update sa kanilang mother units kada anim na oras patungkol sa ginagawang retrieval operations sa barkong tila natusta sa pagkakasunog kung ang pisikal na itsura nito ang pagbabatayan.

Bagama’t may kabagalan ang paglalayag ng MV June Asther na umaabot lamang sa 9 knots 0 kulang-kulang 17 kilometro kada oras batay sa naitatala ng ships monitoring app na Marine Traffic, marami pa ring tumatangkilik dito dahil sa mas mababang pamasahe at bayad sa kargamento kumpara sa eroplano.