WebClick Tracer

Tito P nag-sorry matapos kuyugin sa pangungutya kay Joshua Aquino

Humingi ng paumanhin si Tito P, isa sa mga host ng podcast na “Machong Chismisan”, matapos ulanin ng batikos dahil sa pangungutya kay Joshua Aquino, panganay na anak ni Kris Aquino na may autism.

Sa inilabas na pahayag nitong Oktubre 14, inamin ni Tito P na nakapagsalita siya ng masasakit na salita kay Josh at sa mga taong may kaparehong kondisyon, gayundin sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Tito P, ginawa ang naturang episode na pinamagatang “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino” sa estilo ng malayang talakayan tungkol sa pop culture at iba’t ibang isyung Pilipino, na layuning maghatid ng katatawanan.

Gayunman, aminado siyang hindi naging katanggap-tanggap ang kanyang mga pahayag at ang pagtawa na sumunod dito.

Ani Tito P, nakaka-relate siya kay Joshua bilang isang taong na-diagnose din na neurodivergent.

Bilang isang tao raw na may attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD), nahihirapan siyang kontrolin at salain ang mga naiisip bago ito masabi.

“An edgy joke might pop into my head, and before my executive functioning can evaluate the social risk, it has already been said aloud. I share this not to excuse my behavior, but to provide context,” paliwanag niya.

“It took the public backlash for me to realize where the joke was coming from. But that is how people learn,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat din siya sa “Machong Chismisan” sa agarang pagtanggal ng video nang malaman nilang may mga taong nasaktan sa kanilang mga pahayag.

Humingi rin siya ng paumanhin sa kanyang mga co-host, sa The Pod Network at sa iba pang nadamay sa insidente.

Sinabi rin ni Tito P na nais niyang personal na humingi ng tawad sa mga direktang naapektuhan ng kanyang mga sinabi. Nangako rin siyang makikinig sa mga payo ng mga eksperto upang maging mas responsable at magalang sa hinaharap.

Umaasa rin daw siya na ang mga pinutol na bahagi ng episode ay hindi gamitin upang siraan at saktan ang sinuman, o upang pukawin ang mga negatibong damdamin mula sa mga taong hindi sana nalaman ang clip kung hindi ito naging viral.

Matatandaang kinondena ng Autism Society Philippines (ASP) at ng netizens ang mga host ng nasabing podcast matapos kutyain si Joshua.

Binatikos ang mga host dahil sa ginawang katawa-tawa ang kondisyon ni Joshua.

Ipinaalala ng ASP sa mga podcast host ang hinggil sa Republic Act 7277, o Magna Carta for Persons with Disabilities, na nagpaparusa sa pangungutya sa mga may kapansanan.

“Patawang hindi nakakatawa,” saad sa pahayag ng grupo sa kanilang website.

“Making fun of persons with disabilities for views, laughs, or viral engagement is not automatically protected by the excuse of comedy. A person’s disability is not a punchline, and humiliation is not entertainment,” dagdag nito. (IS)