Emosyonal si Filipino weightlifter Hidilyn Diaz matapos niyang masungkit ang tatlong medalya ginto sa 2022 IWF World Championships sa Bogota, Colombia nitong Huwebes.
Sa video na ibinahagi ng Philippines Defense Forces Forum sa Facebook, makikita ang pagbuhos ng luha ni Diaz habang nakasaludo sa bandila ng Pilipinas at inaawit ang Lupang Hinirang.
Humakot ng tatlong gold medal si Diaz sa women’s 55 kg. category.
Dinomina niya ang 93 kg. sa snatch at 114 kg. sa clean and jerk para sa total lift na 207 kg.
Dinaig niya ang pambato ng Colombia na si Rosalba Morales na may total na 199 kg., at Ana Gabriela Lopez ng Mexico na may 198 kg. total.
Malaking tulong ang panalo ni Diaz sa IWF World Championships para sa kampanya niyang mag-qualify sa 2024 Paris Olympics.
Noong July 26, 2021 nasungkit ni Diaz ang kauna-unahang Olympic gold para sa Pilipinas nang manaig sa women’s 55-kilogram weightlifting category. (IS)


