Makakatipid umano ang gobyerno at taumbayan sa naging pasya ng prosekusyon na ibasura ang tatlo sa apat na impeachment charges laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Atty. Mel Sta. Maria, dating dean ng FEU Institute of Law, sa panayam sa kanya sa programang “Memo with Korina” ng Bilyonaryo News Channel.
Paliwanag ni Sta. Maria, malaki ang naging kapakinabangan ng pagpapatapyas sa mahabang proseso ng paglilitis dahil ang taumbayan ang pangkalahatang nagpopondo sa bawat pagdinig na isinasagawa sa impeachment court.
Bukod sa usaping pampinansiyal, sinabi rin ni Sta. Maria na nakatulong ang desisyon upang mabawasan ang pampolitikang dibisyon o polarization sa bansa, at mabigyang-daan ang Kongreso na maipagpatuloy ang kanilang mga pangunahing tungkulin tulad ng pagpasa ng mahahalagang batas at pag-aapruba sa pambansang badyet.
“Ang pagtatapyas ng mahabang proseso… makakapagtipid sa gastos ng gobyerno lalong-lalo na tayo ang nagbabayad niyang ng mga proceeding na ‘yan. Isa pa, mapapaikli mo ang panahon ng hidwaan, ‘yong polarization ng ating bayan sa pagtutok dito sa kasong ito. At pang-apat, talagang maa-unfreeze ‘yong mga essential legislative work, mapagpapatuloy na nila ‘yong iba pang dapat nilang gawin bilang mga magbabalangkas ng batas, pag-approve ng budget,” pahayag ni Atty. Sta. Maria.
Panoorin ang buong panayam sa October 14 episode ng “Memo with Korina” sa Bilyonaryo News Channel.
Napapanood ang “Memo with Korina” ng 7:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa Free TV Channel 31, Cignal Channel 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TV, Blast TV, AmasianTV at Cignal Play gayundin sa YouTube channel at Facebook account ng BNC. (IS)


