Sinabi ng political commentator na si Jesus Falcis na magkaibang property ang Casas Con Vistas Resort at ang umano’y resort-mansion sa Samal Island na iniuugnay kay Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, ayon sa kanyang source.
Sa kanyang post, sinabi ni Falcis na katabi ng Casas Con Vistas ang property na ipinakita ng National Bureau of Investigation sa isang press conference kaugnay ng umano’y Samal resort ng kongresista.
Ayon kay Falcis, gumamit siya ng Google Maps upang kumpirmahin ang sinabi ng kanyang source at kumpirmado raw na iba ang entrance at lokasyon ng Casas Con Vistas Resort sa entrance at lokasyon ng alleged resort-mansion ni Duterte.
“In short, Casas Con Vistas ay katabi ng resort-mansion ni Pulong Duterte and MAGKAIBA yung dalawa,” ani Falcis.
“So ang tanong ni tweety bird, bakit sumasawsaw si Casas Con Vistas Resort at ginugulo yung issue? Hindi daw ba sila nanuod ng presscon and photos released by the NBI? Or baka nanuod pero hindi nanuod ng maayos? Or baka DDS ang nanuod?!” dagdag niya.
Matatandaang mariin nang itinanggi ng pamunuan ng Casas Con Vistas Resort ang alegasyong si Duterte ang may-ari ng resort.
Giit nila, ang mga may-ari ng resort ay pawang mga pribadong mamamayan na hindi nanunungkulan sa gobyerno at hindi konektado, direkta man o hindi direkta, kay Duterte o sa alinmang opisyal ng gobyerno. (IS)


