Nagbabala si Vice President Sara Duterte na nanganganib ang Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos.
Nitong Oktubre 12 naglabas ang pangalawang pangulo ng reaksiyon sa pahayag ni Pangulong Marcos na isang usapin ng national security kung mapapatunayang totoo na tumanggap umano ng perang mula sa China si VP Sara.
Ani Duterte, may seryosong implikasyon sa kanyang personal na seguridad at sa seguridad ng bansa ang naging pahayag ni Marcos.
Aniya, ang pahayag ay lantarang pag-amin umano na itinuturing ng Marcos administration na isa siyang national security issue.
“At dahil diyan, binibigyang-katwiran ng Malacañang ang paggamit ng buong pwersa ng estado, kabilang na ang intelligence agencies at law enforcement agencies, na ako ay manmanan, gipitin, at tuluyang pabagsakin sa ngalan ng pulitika,” anang bise presidente.
Kinuwestiyon din ni Duterte ang pag-uugnay sa pakikipagnegosyo sa China at sa usapin ng seguridad ng bansa.
Saad niya, maaari itong magbigay ng babala sa mga negosyanteng Pilipino na nagnenegosyo sa China.
“At higit sa lahat, ang pahayag ay tahasang nag-aakusa sa China ng panghihimasok sa internal affairs ng Pilipinas. Bagaman wala itong sapat na katwiran, isa itong mapangahas at mapanganib na hamon sa China — isang bansang may mahabang kasaysayan ng ugnayan sa Pilipinas,” giit pa ni VP Sara.
“Seryoso ito. At maaaring magkaroon ito ng seryosong epekto sa ating relasyon sa China,” dagdag pa niya.
Hindi rin pinalampas ni Duterte ang pagkakataong batikusin ang pamumuno ng Pangulo.
Inakusahan niya si Marcos na nabigong pagandahin ang buhay ng mga Pilipino, palakasin ang ekonomiya at patibayin ang mga institusyon ng pamahalaan.
“Bigo si Bongbong Marcos na tunay na mapagsilbihan ang mga mamamayan at maprotektahan ang ating mga kabataan laban sa karahasan,” pahayag niya.
Sabi pa ng bise presidente, desperado umano ang Pangulo na pagtakpan ang korapsiyon sa bansa.
“Nagpapatuloy pa rin ang mga kuwestiyonableng insertions sa national budget ng kanyang mga kaalyado sa politika. Laganap pa rin ang kriminalidad. At nitong kamakailan lamang — muntikan nang makapasok ang tone-toneladang ilegal na droga sa Pilipinas.
“Walang palatandaan na prayoridad ni Bongbong Marcos na solusyonan ang mga problemang ito.”
Sinabi rin ni Duterte na nais umano ni Marcos na pagtakpan ang kabiguan ng administrasyon na tugunan ang territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
“Ang kabiguang ito ay hindi lamang naglalagay sa Pilipinas sa peligro, kundi maaari ring magkaroon ng seryosong epekto sa seguridad at katatagan ng mga bansa sa ASEAN region.
“Panghuli, nais kong sabihin sa inyo na sa ngayon, wala na tayong aasahan pa sa pamumuno ni Bongbong Marcos kundi dagdag na pasakit at hirap.
“At kung nanganganib man ang ating bansa — nanganganib ito sa kamay ni Bongbong Marcos,” pagtatapos niya. (IS)


