Naniniwala si House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers na ibabatay ang desisyon sa impeachment case sa mga ebidensiyang iniharap sa impeachment court ng Senado at hindi sa mga resulta ng survey.
“Ang ebidensya ang dapat pong magsalita. Ang ebidensya ang dapat maging basehan ng magiging desisyon ng ating mga hukom,” sabi ni Barbers sa isang press briefing matapos ang impeachment trial noong Lunes.
“Sa aming panig, sa prosecution team, ay naniniwala kami at kumpiyansa kami na matibay, mabigat at kapani-paniwala ang aming ebidensya,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Barbers na hindi dapat magkaroon ng epekto ang mga resulta ng survey sa magiging desisyon ng mga senator-judge na nagsisilbing hukom sa impeachment court.
“‘Yung 1,500 respondents will not dictate the result of the impeachment trial,” sabi ng dating mambabatas.
Sinabi naman ni House prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na nananatiling nakatuon ang prosecution panel sa pagsusulong ng pananagutan kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, pagbabanta, at maling paggamit ng confidential funds.
Nagbabala si Ridon laban sa pag-uugnay ng mga rating sa presidential preference sa mga paglilitis sa impeachment. Ipinaalala ng solon na mayroon ding mga survey na nagpapakita na pabor ang publiko rito.
“So mahirap pong magkaroon ng causation dito po sa kaganapan sa impeachment trial and proceedings doon po sa results ng survey sa pagkapangulo,” sabi ni Ridon.
Iginiit ni Ridon na magkaibang proseso ang halalan at impeachment proceedings at ipinunto na ang mga botante ang nagpapasya sa eleksyon, habang ang mga senator-judge ang tumitimbang sa mga ebidensyang iniharap sa korte.
“Sa dulo’t dulo ho, election pa rin naman ho ang magpapasya, hindi po mga surveys,” sabi ng mambabatas.
Iniharap ng prosecution panel si forensic accounting expert Alexander Cabrera bilang huling testigo nito sa paglilitis. (Billy Begas)


