Hinimok nina Camarines Sur Representatives Migz at Luigi Villafuerte ang Kongreso na gawing P12 bilyon ang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa career-progression program nito sa susunod na taon, kasunod ng pagkaka-promote ngayong taon ng mahigit 5,000 public school teachers at school heads sa kanilang lalawigan.
Sa magkahiwalay na social media post, pinuri ng magkapatid ang DepEd’s Expanded Career Progression (ECP) System kasunod ng mass oath-taking na pinangunahan ni DepEd Secretary Sonny Angara sa Freedom Sports Complex sa Pili kamakailan.
Dumalo rin sa event sina Camarines Sur Gov. LRay Villafuerte at DepEd Regional Director Gilbert Sadsad.
“Maraming Salamat, President BongBong Marcos, sa Expanded Career Progression Program! 5,354 na guro at school heads sa Camsur division ang official nang napromote under Deped Secretary Sonny Angara,” sabi ni Rep. Migz sa isang social media post.
“Proud din kami na sa House of Representatives, P6 billion po ang nilaan na pondo para dito for the year 2026. Asahan po ninyo na isa ako sa mga magsusulong para madoble po ito sa 2027 para dumoble rin ang mga mapromote pa sa Deped,” dagdag ni Rep. Migz, na chairman ng House Committee on Information and Communications Technology (ICT).
Samantala, inilarawan ni Rep. Luigi, na isang Deputy Majority Leader, ang event bilang “a milestone for CamSur,” habang pinuri ang mga guro at school head sa kanilang walang sawang pagsisikap, dedikasyon, at sakripisyo.
Pinasalamatan ni Rep. Luigi si Angara sa pagbubukas ng mas maraming oportunidad sa pamamagitan ng ECP program, na nagbibigay sa mga guro at school head ng mas maraming pagkakataon na umunlad sa kanilang propesyon at matanggap ang pagkilalang matagal na nilang nararapat.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Gov. Villafuerte kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Angara sa kanilang pamumuno, at binanggit na mahigit 82,000 guro na ang na-promote sa buong bansa.
“Ang investment sa teacher ay investment sa kinabukasan ng bawat batang Bicolano,” sabi ng gobernador sa isang social media post.
Itinatag sa ilalim ng Executive Order 174 noong 2022 ang ECP, na isinabatas makalipas ang tatlong taon sa ilalim ng Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act (Republic Act 12288).
Nagbukas ang programa ng mga oportunidad para sa mga public school head at guro na umangat sa ranggo at sahod nang hindi kailangang maghintay na mabakante ang mas mataas na plantilla positions.
Nagbibigay ang RA 12288 ng teaching at school administration career lines para sa mga nais manatili sa pagtuturo o ituloy ang school head at administrative positions.
Sa ilalim ng ECP ay hindi awtomatiko ang promotion batay sa haba ng serbisyo kundi sa merit, fitness, competence, qualifications, at professional standards. (Billy Begas)


