WebClick Tracer

Senior citizen tepok matapos makuryente

Nasawi ang isang lolong electrician matapos umanong makuryente sa loob ng bahay nito sa Sitio Ilaya, Dumga, Makato, Aklan.

Ang hindi na pinangalanang biktima ay 62-anyos na residente ng nasabing lugar. Nangyari ang insidente noong Biyernes ng hapon.

Ayon kay Rey Santia, ang kaniyang kapatid umano na si Roy Santia ang nakapansin na tila hindi na gumagalaw ang biktima at nakatayo na parang nakadikit sa pintuan ng kwarto nito.

Akala nila noong una ay lasing lang ang biktima ngunit ng kanilang tingnan ay isa na itong malamig na bangkay.

Pinaniniwalaang nahawakawan nito ang live open wire sa switch ng kaniyang ilaw na nasa pintuan lang din ng kaniyang kwarto.

Nirespondihan naman ng MDRRMO Makato ang biktima ngunit doon pa lang sa lugar, wala na umano itong buhay.

Nagtamo ng paso sa palad ang biktima at dagdag pa na basa ang inaapakan nitong lupa kung kaya’t mas naging malakas ang boltahe ng kuryente.

Ayon kay PLt. Arnold Tejada,Deputy COP ng Makato PNP, kumbinsido naman ang pamilya nito na walang foul play sa pagkamatay ng biktima. (Joven Escaniel)