Dumalo si Annabelle Rama kasama ang kanyang asawang si Eddie Gutierrez sa birthday celebration ni Manny Pacquiao sa General Santos City.
Tsika ni Annabelle sa kanyang Instagram post, sumakit ang mga paa niya sa kakalibot sa ikatlong mansyon ng mga Pacquiao.
Sa sobrang laki raw ng mansyon, hindi pa man niya nalibot ang kabuuan nito ay pinagpawisan at hiningal na siya.
“OMG mabuti nalang meron silang service slippers para sa guest kasi sumakit ang paa ko sa kakaikot sa mansion nila.
“Hindi ko pa natapos pinag pawisan ako at hiningal sa sobrang laki. 20,000sqm ba naman ang buong area ng mansion nila kasama pati garden at bulwagan. Hindi pa ako naka ikot sa bulwagan and 3 bedroom guest house sa may river area kasi merong napaka habang tunnel para pumunta doon,” ani Annabelle.
Ang bahay aniya ng mga Pacquiao ang “best house” na nakita niya dahil sobrang bongga at mamahalin ang ginamit na materyales.
Pang-world class din aniya ang dream house nina Manny at Jinkee dahil may firing range pa ito na sobrang laki sa basement.
Para rin daw siyang nasa Bali, Indonesia Resort dahil dalawa ang swimming pool sa taas at baba ng bahay.
“Sa sobrang relax ko sa bahay nila kagabi nd ko napansin ang oras. sumama kami ni eddie sa salubong ng birthday ni Manny sa bulwagan ng 2nd mansion nila. Grabe ang mga taong nag mamahal kay Manny at sa pamilya nya ramdam na ramdam mo sa ngiti at saya nila kagabi habang kinakantahan si manny,” wika pa ni Annabelle. (IS)


