13

Sep 17, 2020 @ 19:07
By

Zubiri: Statutory rape itaas sa 16-anyos

Sinuportahan ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang panukala ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na itaas ang edad ng statutory rape sa bansa sa edad na 16-anyos.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang statutory rape ay nangyayari kapag ang offended party ay 12-anyos pababa.

Sa pagdinig sa Senado, ibinunyag ni POPCOM chief Juan Antonio Perez III na tumataas ang bilang ng mga kabataang babae, edad 10 hanggang 14 ang nabubuntis sa bansa.

Karamihan sa asawa o partner ng mga teenage mother o batang ina ay matatandang lalaki.

“There’s an element of power play or exploitation here because it’s older men who are the partners of these young [women],” sabi ni Perez.

“The proposal of Senator Zubiri to bring up the age of consent to 16 or 18 would at least scare off these predators,” sambit pa nito.

Noong 2019, inihain ni Zubiri ang Senate Bill No. 305 o “An Act Increasing the Age for Determining Statutory Rape to Provide Stronger Protection for Children, and Amending for this Purpose Act No. 3815, Otherwise Known as the Revised Penal Code, as Amended by Republic Act 8353, Otherwise Known as the Anti-Rape Law of 1997”.

Sa ilalim ng panukala ni Zubiri, kapag ang isang indibiduwal na 21-anyos pataas ay nakipagtalik sa mga babaeng may edad na 16-anyos pababa ay makokonsiderang rape.

“The debate is whether 16 or 18 but we are definitely going to try to push the minimum age to no less than 16 years old,” sabi ni Zubiri.

Nakabinbin ang panukala sa committee level sa Senado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?